HINDI pa tapos ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa mga pangyayari na nagresulta sa pagkamatay ng 12-anyos batang lalaki sa lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan na nabaril ang sarili gamit ang baril ng ama na isang pulis.
Ayon kay PNP PIO Chief P/Col. Red Maranan, iniimbestigahan nila kung ano ang pangyayari at kung paano nagkaroon ng access ang bata sa baril ng kanyang ama.
“Titingnan natin kung totoong na-secure ba talaga niya ang kanyang firearm. Part ito ng ating administrative investigation,” dagdag ni Maranan nang tanungin sa posibleng kasong kapabayaan sa panig ng pulis na ama.
Matatandaang namatay ang bata nang mabaril ang sarili gamit ang baril ng ama na naipuslit niya sa kanilang paaralan nitong nakaraang Huwebes sa naturang lungsod.
Ayon sa ulat, pinaglaruan ng bata ang baril na 9mm Beretta sa loob ng palikuran ng paaralan nang ito ay pumutok na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Pahayag ng opisyal, ang nasabing insidente ay dapat na magsilbing paalala sa mga kapwa police officers gayondin sa publiko na mag-obserba sa gun safety guidelines.
Dagdag niya, ang gun safety ay kabilang sa mga paksa na tinatalakay sa mga seminar sa pagkuha ng mga nag-aapply para sa License to Own and Possess Firearm (LTOPF).
“Dapat nakatanggal ang magazine sa baril habang nakatago sa cabinet o pinagtataguan,” aniya. (MICKA BAUTISTA)