NAREKOBER ng mga awtoridad ang isang sasakyang iniulat na kinarnap kasunod ang pagkaaresto sa isang personalidad na may kaso ukol sa pag-iingat ng ilegal na baril sa isinagawang operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 1 Enero.
Ayon sa ulat na isinumite kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, agad nirespondehan ng mga tauhan ng Pandi MPS katuwang ang Plaridel MPS, at 1st at 2nd PMFC ang insidente ng carnapping na naganap sa Brgy. Bagong Barrio, sa bayan ng Pandi.
Nagresulta ang operasyon sa pagkarekober ng isang Mitsubishi L300 sa bisinidad ng Brgy. Tibag, Baliwag habang nakatakas ang suspek na sentro ngayon ng pagtugis ng pulisya.
Samantala, nadakip sa Brgy. Ibayo, Marilao ng tracker team ng 1st PMFC, katuwang ang mga tauhan ng Marilao MPS at 301st RMFB3 ang suspek na kinilalang si Aaron Paul Llorente, 25 anyos, sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition na inilabas ng Malolos City RTC Branch 13, walang itinakdang piyansa. (MICKA BAUTISTA)