Isa-isang bumagsak sa kamay ng batas ang limang drug traffickers at limang pugante sa operasyong inilatag ng Bulacan PNP sa lalawigan hanggang kahapon, Disyembre 20.
Ayon kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, ang limang personalidad sa droga ay arestado sa buy-bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga himpilan ng pulisya ng Pulilan, San Jose del Monte City, Pulilan, at Meycauayan City.
Kinilala ang mga ito na sina Romeo Javier alyas Raven ng Tambubong, San Rafael; Francis Ollet alyas Nobis ng Sto. Cristo, SJDM City; Eniseo Mercado ng Sto Cristo, Pulilan; Rowie Romilla Toy-toy ng Caingin, Meycauayan; at Riza Miano alyas Taba ng Malanday, Valenzuela City.
Nasamsam sa mga suspek ang kabuuang 24 pakete ng pinaghihinalaang shabu, coin purse at buy-bust money habang inihahanda na sa kanila ang pagsasampa ng nararapat na kaso sa hukuman.
Kasunod nito ay lima namang katao na wanted sa batas ang arestado sa iba’t-ibang manhunt operations ng tracker teams mula sa Meycauayan CPS, SJDM CPS at 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) na sinuportahan ng mga elemento mula sa Malolos CPS at 301st MC RMFB3.
Inaresto sila sa mga krimeng Qualified Theft; Estafa; at paglabag sa BP 22 at sila ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/stations para sa nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)