Naaresto ng mga awtoridad ang mga pangunahing suspek sa pagpatay sa isang estudyante sa Angeles City sa Pampanga sa isinagawang follow-up operation isang araw matapos ang krimen nitong Disyembre 17.
Napag-alamang ang wala ng buhay na katawan ni Juana Mae Maslang y Reymundo, 18-anyos, estudyante, na residente ng Jesus St, Purok 4, Brgy. Pulungbulu, Angeles City, ay natagpuan ng kanyang ina nitong gabi ng Disyembre 16 sa loob ng kanilang kuwarto at ang mga gamit nito tulad ng isang mobile phone at relo ay nawawala.
Ayon kay PBGeneral Cesar R. Pasiwen, PRO3 regional director, sa isinagawang follow-up investigation ng mga operatiba ng Police Station 1- ACPO, may mga testigong nakakita sa mga suspek na lumabas sa bakuran ng biktima na kinilalang sina Val Rinon Cahanding alyas Bal-Bal, 22-anyos, at kanyang live-in partner na si Japanie Torbeles, na kapuwa residente ng Brgy. Pulungbulu, Angeles City.
Dalawang t-shirts na may bahid ng dugo at isang kitchen knife ang narekober sa bahay ng mga suspek habang ang tulong ng SOCO ay hiniling para sa koleksiyon at pagsusuri ng DNA.
Ang mag-live-in partner ay nahaharap ngayon sa kasong Robbery with Homicide at kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Police Station 1. (MICKA BAUTISTA)