IPINAKITA sa media ng NBI ang mga dokumento na gagamiting ebidensya sa isinampang kasong plunder sa Office of the Ombudsman laban kina Senador Juan Ponce Enrile, Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla at sa negosyanteng si Janet Lim Napoles kaugnay sa P10 billion pork barrel scam. (BONG SON)
ISINAMPA na ng Department of Justice at National Bureau of Investigation sa Office of the Ombudsman ang kasong plunder laban sa negosyanteng si Janet Lim Napoles at tatlong senador na nakinabang sa P10 billion pork barrel scam.
Ang kinasuhang mga mambabatas ay sina Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., dating Senate President Juan Ponce Enrile at dating Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada.
Si Napoles ay kinasuhan din ng malversation, at corruption of public officials.
Kabilang sa kinasuhan ng malvesation at bribery si dating Representative and incumbent Masbate Governor Rizalina Lenete, former APEC party-list Rep. Edgar Valdez, former congressmen Rodolfo Plaza, Samuel Dangwa, at Constantino Jaraula.
Kasama sa reklamo ang staff members ng mga mambabatas na sina Atty. Jessica Reyes – staff ni Enrile; Atty. Richard Cambe – staff ni Revilla; Ruby Tuason – kinatawan nina Enrile at Estrada; Pauline Labayen – staff ni Estrada; Jose Sumalpong – chief of staff ni Lanete; Jeanette Dela Cruz – district staff ni Lanete; Erwin Dangwa – chief of staff ni Dangwa; at Carlos Lozada – staff ni Dangwa.
Isinumite ng DoJ at NBI ang reklamo sa Ombudsman dakong 3:30 p.m. kahapon.
Ang pork barrel scam ay sinasabing pinamunuan ni Napoles na nagtago nang ipalabas ng korte ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong serious illegal detention na inihain ng kanyang dating empleyado at main scam whistleblower na si Benhur Luy. Sumuko si Napoles makaraan ang dalawang linggo, kay Pangulong Benigno Aquino III. (HNT)