BINALAAN ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhan sa paglahok sa mga kilos-protesta at iba pang mass actions kaugnay sa pork barrel.
Kabilang din sa mga pinaalalahanan ni BI Officer-in-Charge Siegfred Mison ang mga tourist visa holders na sakaling sumali sa mga rally sila ay mapatatalsik bunsod ng paglabag sa Immigration laws ng bansa.
Katuwang ng BI sa pag-monitor sa mga dayuhan ang Philippine National Police (PNP) sa pagtukoy sa mga dayuhan na kabilang sa mga nagrarali.
“As we have repeatedly stated, foreigners have no business joining these rallies as the act amounts to violating the conditions of their stay as tourists,” ani Mison.
Pinalabas ni Mison ang kautusan kasunod ng pagkakahuli sa Canadian student na si Kim-Chatillon Meunier, na nakunan ng larawan na kabilang sa anti-SONA rally noong July 26, 2013 malapit sa Batasang Pambansa.
Bukod kay Meunier, noong Agosto, ipinatapon ang Dutch activist na si Thomas Van Beersum, napanood sa video ng naturang anti-SONA rally habang pinagtatawanan ang isang police Marikina na umiiyak.
(LEONARD BASILIO)