Monday , December 23 2024
Bulacan Gintong Kabataan Awards 2022

Gintong Kabataan Awards 2022, ginanap sa Bulacan

“MULA noon hanggang ngayon, ang pagiging Gintong Kabataan ng Bulacan ay naging sagisag na ng dangal ng mga bagong henerasyon ng Bulakenyong itaguyod ang larangang kanilang kinabibilangan, habang patuloy na namumuhay bilang mapanagutang mamamayan ng ating bayan. Narito‘t kasama tayo ng mga marangal na kabataang gumagamit ng kanilang talento, katatagan, imahinasyon at may pagpapasya sa sarili upang umukit ng pangmatagalang pagbabago sa ating nasyon at maging haligi ng inspirasyon sa kanilang napiling larangan ng pagpupunyagi.”

Ito ang mensahe ni Gob. Daniel Fernando sa ginanap na Gintong Kabataan Awards 2022 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan nitong Biyernes, 4 Nobyembre.

Pinuri ng Gobernador ang mga pinarangalan at pinangakuang kanyang tutumbasan ang kanilang mahalagang naiambag sa pamamagitan ng episyenteng serbisyo sa mga Bulakenyo.

“Tunay kayong dangal ng magiting na liping Bulakenyo! At bilang ama ng lalawigan, sisikapin kong suklian ang inyong mga ginintuang ambag sa ating lalawigan sa pamamagitan ng patuloy na pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng bawat Bulakenyo,” ani Fernando.

Tiniyak ni Fernando na ang kanilang tagumpay ay magbubukas ng marami pang oportunidad para sa mga kabataan, kung kaya’t mabibigyang-daan na lalo pang mahasa ang kapasidad, kakayahan, at kasanayan upang umani ng mas marami pang tagumpay na magtatanyag sa lipunan na kanilang kinabibilangan.

Hinikayat din sila ng gobernador na patuloy na magmasid at makialam sa kasalukuyang estado ng lipunan at makiisa sa layunin tungo sa ganap na pagbabago sa komunidad.

“Buhayin ninyo ang nag-aalab na pusong makabayang minana pa ninyo sa ating mga bayani. Sikaping maging bahagi rin ng inyong tinatamasang tagumpay ang ating mga maralitang kababayan. Bigyan ninyo ng tinig ang ating mga kapwa Bulakenyo na nabubusalan ang bibig ng takot at diskriminasyon. Maging buhay nawa kayong patunay na ang kabataang Bulakenyo ay hindi kailanman sumusuko sa anumang hamon ng panahon at patuloy na nagpupunyagi gamit ang angking kakayahan at maigting na pananalig sa Diyos bilang sandata,” anang gobernador.

Kabilang sa Gintong Kabataan 2022 Awardees sina Paulo John M. Rubio ng San Miguel para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Sining at Kultura; Jhenica V. Llarina ng Plaridel at Ryan R. Corpuz ng Malolos para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Kagalingang Pang-Akademya at Agham para sa Secondary at College levels ayon sa pagkakasunud-sunod; John Kenneth L. Pagdanganan ng Calumpit para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Paglilingkod Pamayanan-Indibidwal; at mula sa Malolos, ang Samahan ng Makabagong Kabataang Progresibo (SAMAKA PO) Inc., sa pangunguna ni Jaymark Chico para sa Paglilingkod sa Pamayanan-Grupo; Zaldy N. Burce, Jr., ng Guiguinto (Propesyonal), Jayson Jerald V. Rivera ng Balagtas (Skilled Worker) at Marco Rhonel M. Eusebio ng Malolos (Government Worker) para sa Gintong Kabataang Manggagawa; Rogen S. Ladon mula sa Marilao para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Isports (Indibidwal); Igg. Patrick S. Dela Cruz ng Malolos para sa Natatanging SK Federation President at Brgy. Longos, Malolos para sa Natatanging SK Barangay Council; Igg. Miguel Alberto T. Bautista mula sa Malolos para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Entreprenyur; at Troy Justin P. Agustin ng Plaridel para sa Gintong Kabataang Bayani (Posthumous).

Tumanggap din ang 10 indibidwal ng Gintong Kabataan 2022 Special Citations kabilang sina Mateo Inigo S. Espocia at Mark Anthony A. Francisco mula sa San Jose del Monte; Lei Andrei M. Navarro mula sa Malolos; Diane A. David at Jhasmine C. Busran ng Marilao, JCI Baliwag Buntal at Analyn N. Cundangan ng Baliwag, Andrea Lindsay B. Duran ng San Ildefonso, Igg. Marbin DJ. Garcia ng Bulakan, at Kayla Melyn V. Arellano mula sa Guiguinto.

Ang  GKA ay tatlong dekada nang prestihiyosong programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na nagbibigay parangal sa mga Bulakenyong kabataan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO) katuwang ang Gintong Kabataan ng Bulacan Alumni Association (GKBAA). (MICKA BAUTISTA

About Micka Bautista

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …