ARESTADO ang tatlo katao matapos maaktohang gumagawa ng paputok nang walang kaukulang permiso sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Tandang Sora St., Green Breeze 1 Subd., Brgy. Pulong Buhangin, sa bayan ng Sta.Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado ng hapon, 5 Nobyembre.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Christian Alucod, hepe ng Sta. Maria MPS, kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga suspek na sina Manuel Yturralde, Anthony Lucero, at Clinton Mistiola, pawang mga residente sa Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan.
Nakuha sa mga suspek bilang ebidensiya, ang apat na bundle o 500 rounds ng sawa, isang sako at isang kahon ng 5-star, 10 piraso o 1000 rounds ng sawa, kalahating sako ng hindi pa tapos na sawa at 5-star, isang bundle ng materyales na papel, isang bundle ng mitsa, at 40 piraso ng higad.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7183 (An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices) ang mga suspek na inihahanda nang isampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)