PANSAMANTALANG inihinto ng Brgy. Pulong Buhangin, sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, ang pagbibigay ng business clearance sa mga gumagawa at nagtitinda ng paputok, dalawang araw matapos ang pagsabog sa isang ilegal na pagawaan ng paputok sa Sitio Manggahan, sa nabanggit na barangay.
Naglabas ng resolusyon ang Sangguniang Barangay nitong Biyernes, 4 Nobyembre, na nagtatakda ng joint inspection ng barangay, pulis, bombero, at pamahalaang bayan sa mga establisimiyento bago muling bigyan ng clearance upang makatiyak na hindi mauulit ang pagsabog sa pagawaan na napag-alamang walang mga permit.
Ayon sa punong barangay na si Raymund Castañeda, hindi na babawiin ang mga clearance na ibinigay sa walong kompanya bago ang insidente ngunit isasama pa rin sila sa iinspeksiyonin sa susunod na linggo.
Dagdag ng opisyal, karamihan sa mga kumukuha ng permit ay tuwing Nobyembre na o habang papalapit ang Bagong Taon ngunit dahil sa naganap na insidente, ay ini-hold na ang aplikasyon ng mga firework retailer.
Nanawagan rin ang barangay sa mga residente na isumbong sa mga awtoridad ang anomang ilegal na gawain gaya ng paggawa ng paputok sa kanilang lugar.
Giit ni Castañeda, hindi nakarating sa barangay ang impormasyon tungkol sa sumabog na pagawaan lalo’t malawak ang kanilang sakop.
Ayon kay P/Lt. Col. Christian Alucod, hepe ng Sta. Maria MPS, nagkaroon ng permit mula sa bayan ang isang anak ng may-ari ng sumabog na pagawaan ng paputok noon pang 2018 ngunit ito ay napaso na rin. (MICKA BAUTISTA)