Nadakip ng mga awtoridad sa isinagawang entrapment operation ang isang lalaking pinaniniwalaang responsable sa pagkatay ng mga aso upang ibenta at ipulutan sa bayan ng San Ildefonso, lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 5 Oktubre.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, kinilala ang suspek na si Jexter Rafil na dinakip sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (GIDG), San Ildefonso MPS, at Animal Kingdom Foundation.
Napag-alamang tinugaygayan si Rafil ng mga awtoridad matapos may nagreklamo hinggil sa ilegal niyang hanapbuhay na pagkakatay ng mga aso at pagbebenta ng karne nito para ipulutan.
Nakipag-ugnayan ang Animal Kingdon Foundation sa CIDG at sa tulong ng San Ildefonso MPS saka ikinasa ang entrapment operation kung saan may operatibang nagpanggap na buyer ng karne ng aso sa suspek na nagresulta sa kanyang pagkaaresto.
Nakumpiska mula sa suspek ang pitong buhay na Aspin na nakahanda na sanang katayin para ibenta ang karne.
Kasalukuyan nang nakapiit ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10361 o The Animal Welfare Act of 2017, at RA 9482 o Anti-Rabies Act laban sa kanya. (MICKA BAUTISTA)