BUMUHOS ang mga pagkilala at pinansiyal na suporta para sa mga bayaning tagapagligtas sa ginanap na espesyal na pagpupugay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa kanilang kabayanihan na tinawag na “Salamat at Paalam… Luksang Parangal para sa mga Bayaning Tagapaglistas! sa Bulacan Capitol Gymnasium dito kahapon.
Sa ngalan nina George E. Agustin mula sa Iba O’ Este, Calumpit; Troy Justin P. Agustin ng Sta. Rita, Guiguinto; Marby A. Bartlome mula sa Bulihan, Lungsod ng Malolos; Jerson L. Resurreccion mula sa Catmon, Santa Maria; at Narciso Calayag, Jr. mula sa Lungsod ng Malolos, tumanggap ang kani-kanilang pamilya ng plake ng pinakamataas na pagkilala mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, gayundin ng mga cash gift at scholarship mula sa iba’t ibang nasyonal at rehiyong ahensiya, opisyales ng gobyerno, at pribadong sektor.
Kabilang sa mga pinansiyal na suporta na natanggap ng mga nagdadalamhating pamilya ang P300,000 mula sa Bulacan Rescue katuwang ang Insular Life; P200,000 mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan; P200,000 mula sa Chairman ng Century Peak Holding Corp. Wilfredo Keng, na iniabot ng kanyang anak na si Katrina Keng kasama ng scholarship para sa isa sa mga naulilang bata mula sa bawat pamilya; P100,000 mula kay Al Tengco, chairman ng Philippine Amusement and Gaming Corp.; P10,000 mula sa Angat Buhay Foundation at Bulacan Angat Buhay Volunteers ni dating Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo; at scholarship grants mula sa Bulacan State University.
Sinagot naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan ang lahat ng mga gastusin para sa serbisyo ng punenarya at nagkaloob ng P100,000 sa bawat pamilya mula sa kanyang sariling bulsa.
Aniya, bagaman walang katumbas na anumang halaga ang pagkawala ng limang rescuer, ang umaapaw na suporta, parangal, pagpapahalaga at pasasalamat na ipinakita hindi lamang ng mga Bulakenyo kundi mula sa lahat ng mga Pilipino ay isang testamento na hindi nasayang ang kanilang naging sakripisyo.
“Nabalot ng pagdadalamhati ang mga araw sa ating lalawigan subalit bumubuhos ang pakikiramay, mga pinansyal na tulong mula sa iba’t ibang panig ng lugar at bansa para sa pamilya ng ating limang Bulakenyong bayaning tagapagligtas. Lubha po tayong nalulungkot sa nangyari. Hindi po natin ito inasahan at hindi kailanman hinangad na mangyari lalo na sa ating mga bayaning rescuers na mas pinili ang tumulong at iligtas ang buhay ng iba kahit ang kapalit nito ay kanilang sariling buhay. Marapat lamang na lahat ng insentibo at tulong ay ating maipagkaloob sa kanilang pamilya,” ani Fernando sa ginanap na necrological service.
Ipinahayag naman ni Jessa Agustin, maybahay ni Troy Justin, ang kanyang pasasalamat para sa espesyal na pagpupugay at suportang pinansyal na kanilang natanggap.
“Ramdam na ramdam po ng pamilya namin ang pakikiramay at tulong ng buong Pilipinas. Sa lahat ng opisyal ng gobyerno lalong lalo na po kay Gov. Daniel R. Fernando at Mayor Jocell Vistan, sa mga pribado at pampublikong mga grupo at ahensya, sa media, hanggang sa mga simpleng sibilyan na katulad ko, taos pusong pasasalamat po sa inyong lahat mula sa aming pamilya sa nag-uumapaw na tulong maliit man o malaki,” naluluha niyang sabi.
Bago ang luksang parangal, nagsagawa ang mga fire truck mula sa iba’t ibang probinsya at lungsod sa bansa ng water salute sa mga labi na mga pumanaw na bayani sa pagdaan nito sa mga gusali ng PDRRMO at Kapitolyo. (MICKA BAUTISTA)