INAMIN ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nahihirapan silang kombinsihin sa ginagawang repatriation sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Syria.
Ayon kay DFA Spokesman Raul Hernandez, hirap sila sa pagpapalikas ng mga Pinoy sa Syria dahil sa kanilang pabago-bagong desisyon.
Aniya, isang malaking hamon para sa DFA ang pagpapalikas sa OFWs na naiipit sa kaguluhan sa nasabing bansa.
Ani Hernandez , ikinakatuwiran umano ng OFWs doon na ligtas sila sa tahanan ng kanilang employers bukod pa sa tinaasan ang pasahod ng ilang employers dahilan upang magdalawang–isip na lumikas sila.
Ayon kay Hernandez, undocumented ang karamihan sa 3,000 OFWs na hindi pa nagpaparehistro sa repatriation program ng pamahalaan kaya’t nahihirapan din sila.
Samantala, sa datos ng ahensya aabot na sa halos 5,000 OFWs ang kanilang napapauwi mula Syria.
(JAJA GARCIA)