MALAPIT nang masilayan ng racing aficionados ang pagkopo ng paboritong si Basheirrou sa 3rd Leg ng Triple Crown na ilalarga sa Hulyo 24 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Bagama’t wala pang opisyal na lineup ay nakatitiyak ang mga tagahanga ni Basheirrou na tatakbo ito sa 3rd Leg Triple Crown dahil namumuro na ang alasang kabayo para maging bagong kampeon sa pantaunang stakes race.
Matatandaan na nakolekta na ni Basheirrou ang 1st at 2nd Leg ng Triple Crown at isa na lang ay masusungkit na niya ang kampeonato ng prestihiyosong karera.
Pag-aari ng Rancho Sta. Rosa at hinahanda ng trainer na si Ruben Tupas, kung sakaling masungkit ang ikatlong leg, siya ang magiging ika-13th na naka-sweep ng Triple Crown.
Si Basheirrou na regular na sinasakyan ni class A rider Kelvin Abobo ay lahi nina Brigand at Allemeuse.
Maliban sa Triple Crown ay ilalarga rin sa nasabing araw ang Hopeful Stakes Race at 3-Year-Old Locally Bred Stakes Race.
-Marlon Bernardino-