NAPATAY ng mg aawtoridad matapos manlaban ang isang armadong lalaking pinaniniwalaang nanloob sa isang convenience store sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng madaling araw, 3 Hulyo.
Ayon kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, agad nagresponde ang mga tauhan ng Malolos CPS matapos makatanggap ng ulat kaugnay sa nagaganap na nakawan sa isang convenience store sa Brgy. Sumapang Matanda, sa nabanggit na lungsod dakong 4:30 am kamakalawa.
Nabatid na nakatangay ang mga kawatan ng tatlong cellphone at cash money na nagkakahalaga ng P200,000 saka tumakas sakay ng motorsiklo.
Sa inilatag na hot pursuit operation, umiwas sa inilatag na checkpoint ang dalawang indibiduwal na sakay ng motorsiklong tumutugma sa paglalarawan ng mga nakasaksi sa bahagi ng Brgy. Niugan, sa lungsod, na nauwi sa mahabang tugisan.
Nang masukol ang mga suspek, bumunot ng baril ang isa sa kanila saka pinaputukan ang mga alagad ng batas na napilitang gumanti hanggang nagresulta sa kamatayan ng suspek pero nagawang makatakas ng kanyang kasabwat.
Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ang isang kalibre .38 kargado ng bala; kulay asul na backpack na may lamang cash na P177,840; at BDO Cash Transaction Slip na may account name na Alfametro Marketing Inc. (MICKA BAUTISTA)