Nadakip ng mga awtoridad ang isang pinaniniwalaang talamak na ‘ ‘motornapper’ matapos mang-agaw ng motorsiklo at mahulihan ng hinihinalang shabu sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga nitong Miyerkoles ng umaga, 15 Hunyo.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Mabalacat CPS kay P/Col. Alvin Ruby Consolacion, acting provincial director ng Pampanga PPO, nagkasa ng follow up operation ang mga tauhan ng Mabalacat CPS sa Ubas St., Dau Homesite, sa nabanggit na lungsod kaugnay sa insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Brgy. Lakandula.
Itinuro ng testigo sa mga operatiba ang suspek na kinilalang si Kevin Tuahan, 27 anyos, residente ng Brgy. San Joaquin, sa lungsod, habang nakatakas ang kaniyang kasawat na kinilalang si Leslee Tuahan.
Nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu; apat na pakete ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana; at isang Yamaha MIO Sporty na kulay lila na may plakang CD35236 na pinaniniwalaang ninakaw din niya.
Kasalukuyang nasa kustodiya si Tuahan ng Mabalacat CPS habang inihahanda ang pagsasampa laban sa kanya ng kasong paglabag sa RA 10883 (New Motornapping Law) at Section 11, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa korte. (MICKA BAUTISTA)