MINALIIT ng Palasyo ang expose’ ng showbiz personality na si Lolit Solis na nag-uugnay kay multi-billion peso scammer na si Janet Lim Napoles sa mga opisyal ng Palasyo, gayondin ang bantang “ZERO Remittance Day for ZERO Pork” sa Setyembre 19 ng overseas Filipino workers (OFWs) bilang protesta sa ipinatutupad na pork barrel system ng administrasyong Aquino.
“We won’t dignify a statement coming from a showbiz personality,” tugon ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa ibinulgar ng showbiz host at talent manager na si Solis na nakita niya si Presidential Management Staff (PMS) chief Julia Abad sa isang party ni Janet Lim-Napoles.
Nauna rito, isiniwalat din ni Solis na narinig niya na kausap ni Napoles sa telepono si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., noong nakaraang Disyembre na nanghihingi ng campaign funds para kay Pangulong Benigno Aquino III sa 2013 midterm elections.
Giit ni Lacierda, walang tinanggap na campaign donation ang Liberal Party mula kay Napoles noong 2010 at 2013 elections batay sa record ng Commission on Elections (Comelec).
Binalewala rin ng Palasyo ang banta ng grupong Migrante na Zero Remittance ng OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo.
“On this day, Filipino immigrants from all over the world will once again send a united message against the pork barrel system. Our remittances that keep the economy afloat are being plundered by greedy officials. Through the ZRD, we will make our voices be heard in the call to abolish the pork barrel and re-channel funds for the people’s interest, including more efficient services and welfare assistance to overseas Filipino workers (OFWs) in distress,” ayon sa kalatas ng Migrante.
“Hindi naman napupunta sa gobyerno ang remittance nila… sa kanilang pamilya,” ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Ang pahayag ni Lacierda ay taliwas sa sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) National Planning and Policy Staff (NPPS) Director Rosemarie Edillon na ang remittance ng OFWs ay napakahalaga sa pagsusulong ng pag-angat ng ekonomiya sa masa at mahalagang source ng investments sa ating bansa.
Sabi ni Lacierda, mahirap mangyari ang Zero Remittance Day dahil ang maaapektohan ay ang mga kaanak ng OFWs.
Dagdag pa niya, dati nang napatunayan na hindi epektibo ang Zero Remittance Day na isinagawa ng Migrante.
Ito ang kauna-unahang Zero Remittance Day sa panahon ng administrasyong Aquino, ang dalawang nauna ay noong Oktubre 29, 2008 bilang protesta sa paglalako ng modern-day slavery ng Global Forum on Migration and Development na ginanap sa Manila at ang pangalawa ay noong Hulyo 26, 2009 laban sa Charter change na isinusulong ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
(ROSE NOVENARIO)