NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang tinatayang P3,400,000 halaga ng hinihinalang shabu sa tatlong suspek sa isinagawang buy bust operation sa bayan ng Bocaue, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 18 Mayo.
Ayon kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, nasamsam ang isang selyadong foil pack na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 500 gramo mula sa tatlong suspek na pinaniniwalaang mga ‘biyahero’ ng droga sa Bulacan.
Nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Jayson Falcon ng San Antonio, Quezon City; Edwardo Elgarlino at Sarah Biscante, kapwa mula sa Balintawak, Quezon City, sa operasyong ikinasa ng magkatuwang na mga operatiba ng PNP-DEG SOU3, PNP-DEG SOU IFLD PDEA RO3 at Bocaue MPS.
Napag-alamang mula Kamaynilaan ay bumiyahe patungong Bulacan ang mga suspek upang mag-deliver ng shabu sa mga kontak nilang tulak na sila namang nagkakalat sa mga user sa lalawigan.
Ngunit hindi ito nakaligtas sa matatalas na pagmamatyag ng mga awtoridad na nagtulong-tulong sa pagkasa ng buy bust operation na nagresulta sa pagkaaresto ng tatlong suspek.
Gay0ndin, arestado ang lima pang personalidad sa droga sa iba’t ibang anti-illegal drug operations ng Station Drug Enforcement Unit ng mga police stations ng Angat, San Miguel, Sta. Maria, at San Jose del Monte.
Kinilala ang suspek na sina Crispino Parungao, alyas Pinong; Zainoding Bagul, alyas Aron; Hermie Inieco; Alec Flores, Jr., alyas Delo; at Cedric Marcelo, na nakuhaan ng 17 pakete ng inihinalang shabu, cellphone, coin purse, maliit na kahon, at buy bust money. (MICKA BAUTISTA)