ISANG lalaking sinabing manager ng isang bahay-aliwan ang inaresto nitong Lunes, 7 Marso, nang makompirmang ibinubugaw ang mga babaeng nagtatrabaho sa kanyang bahay-aliwan, sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan.
Ikinasa ang isang entrapment operation laban sa human trafficking na pinangunahan ng CIDT Bulacan PFU katuwang ang Malolos City Police Station (CPS) na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Vicente Solana, 41 anyos, manager ng isang bahay-aliwan sa naturang lungsod.
Nabatid na bukod sa pagiging manager ay nagsisilbi rin bugaw ang suspek ng mga babaeng nagtatrabaho sa kanyang bahay-aliwan sa Brgy. Sto Rosario, sa lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong 10:20 pm kamakalawa nang isagawa ang operasyon laban sa suspek na kumagat sa paing inilatag ng police poseur client matapos tumanggap ng marked money kapalit ng babae na kanyang ibinugaw para sa panandaliang-aliw.
Nahaharap si Solana sa kasong paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) na inamyendahan ng RA 10364 o ng The Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. (MICKA BAUTISTA)