ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
LABIS ang kagalakan ni Mayor Ina Alegre ng Pola, Oriental Mindoro sa naging malaking tagumpay ng premiere night ng pelikulang pinagbidahan titled 40 Days na mula sa ComGuild Productions.
Puno ang venue na gymnasium na pinagganapan ng event. All out nga ang suporta ng kanyang mga kakabayan kay Mayor Ina. Nandoon ang mga staff ni Mayora Ina, supporters, ibang politiko, at malalapit na kaibigan.
Kabilang dito si Ejay Falcon na tubong Pola pala at kumakandidatong Vice Governor ng Mindoro, si Ogie Diaz na matagal na palang kaibigan ni Mayor Ina, at iba pa.
Pagkatapos nang pagpapalabas sa pelikula, nabanggit ni Mayora Ina ang labis niyang kasiyahan ng gabing iyon.
“Alam nyo, kanina habang pinapanood ko ang movie, kahit sarili ko iyong pinapanood ko, na-iyak pa rin ako sa sarili ko,” saad ni Mayor Ina.
“Gusto kong pasalamatan, unang-una ang direktor na nagtiwala sa akin sa movie na ito, palakpakan natin si Direk Neal Tan. Si James Blanco, palakpakan natin si James Blanco, si Cataleya Surio, at ang aking kaibigan na si Mygz Molino. Siyempre, salamat din sa mga movie press na nandirito, salamat sa inyong lahat.”
Nagpasalamat din si Mayora kina Ogie, Ejay, mga politiko at mga kababayan niya sa Pola sa suporta nila sa kanyang pelikula.
Saad pa ni Mayora Ina, “Tama po kayo, may mga nagsasabi na bakit puro pelikula lang ang nagyayari rito? Pero hindi nyo lang alam ang tulong na naibibigay ng bawat pelikulang idinadala natin sa bayan ng Pola. Kung gaano karami ang natutulungan na mamamayan para sa rito sa ating ginagawa sa bayan ng Pola. So, salamat sa mga producer, salamat sa nagdidirek ng pelikula na ang napipili ay ang bayan ng Pola.
“So, sa lahat ng mga mamamayan ng bayan ng Pola, ang pelikulang ito ay buong puso kong ihinahandog sa inyong lahat. Maraming salamat po, God bless you all.”
Nabanggit din ni Mayor Ina na ang naganap ay masasabing isang history in the making sa kanilang bayan dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng movie screening sa kanilang bayan na dinaluhan ng malalaking tao at ng kanyang mga kababayan.
Ang pelikula ay hinggil sa isang kasambahay na ginagampanan ni Mayor Ina, na naipit sa lockdown sa kasagsagan ng pandemic. Kaya napilitang maglakad ng 40 days pauwi sa kanyang bayan sa Pola, Oriental Mindoro upang makita ang kanyang anak at may sakit na ina, kahit na halos eksakto lang ang kanyang dalang pera.
Makikita sa pelikula ang determinasyon niya para lang makita ang kanyang pamilya kahit pa gawin ang halos imposibleng bagay. Along the way ng kanyang paglalakbay, makakatagpo siya ng mga taong may mabubuting kalooban na tutulong sa kanya para maisakatuparan ang hangaring makauwi sa kanyang pamilya.
Dito rin ay masasaksihan ang bayanihan spirit ng mga Filipino, pati na ang malalim na pananalig sa Diyos ng mga Pinoy, kahit gaano pa katindi ang hinaharap na pagsubok.
Bukod sa planong pagsabak ng 40 Days sa mga international filmfest, posibleng mapanood din ito sa Netflix. Actually, nabanggit ni Mayora Ina na inaayos na nila ito.
Nabanggit din ni Direk Neal na ngayon pa lang ay may mga nagsasabi o nag-iimbita na sa kanya na isali ang kanilang pelikula sa iba’t ibang international film festivals.