SA PATULOY na pang-aagaw sa lupaing ninuno o ancestral domain ng ilang politiko, malalaking developers at negosyante sa iba’t ibang lugar sa Luzon, umapela ng tulong ang mga katutubong Aetas at Dumagat.
Tinatayang nasa 500 katutubong Aeta at Remontado Dumagat mula sa mga bayan ng Caranglan, Nueva Ecija; Taytay, Rizal; at Angeles, Pampanga ang humingi ng tulong sa Aeta Remontado Dumagat Sectoral Tribal Council (AREDUMSTRICO).
Ginanap ang pulong sa RC Place sa Brgy. Tibag, sa bayan ng Baliwag, sa lalawigan ng Bulacan, kung saan tinalakay ang mga karapatan ng bawat katutubo sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Ipinaliwanag nina Datu Dapig at Datu Kaalam ang ilan sa mga nilalaman ng RA 8371 at IPRA Law na matagal na umanong sinasalaula at pinagsasamantalahan ng mga ganid na politiko at negosyante sa bansa.
Sa isinagawang pagpupulong, tinukoy ang mga karapatan at kapakanan ng mga mamamayan na nakatira sa mga kabundukan.
Sinasabing nakasaad sa batas ng RA 8371, malinaw na walang sinoman ang maaaring magmay-ari sa mga lupang sakop ng ancestral domain.
Samantala, nananatiling buo ang tiwala ng mga katutubo sa Sectoral Tribal Council sa Bulacan, na malaki ang magagawa sa suliranin ng mga tribu. (MICKA BAUTISTA)