SA PAGPAPATULOY ng kampanya laban sa krimen sa lalawigan ng Nueva Ecija, nasakote ng mga awtoridad ang limang kriminal at nasamsam ang dalawang baril mula sa kanila, nitong Linggo, 20 Pebrero.
Ayon kay P/Col. Jess Mendez, acting provincial director ng Nueva Ecija PPO, nagsagawa ang mga tauhan ng Lupao MPS ng anti-illegal drugs buy bust operation sa Brgy. Parista, sa bayan ng Lupao kamakalawa.
Nadakip sa operasyon ang suspek na kinilalang sina alyas Andith, 56 anyos, biyuda, at residente sa Brgy. Sto. Niño 3rd, San Jose, Nueva Ecija, nakompiskahan ng 0.20 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1,200; isang unit ng Phoenix keypad cellular phone; at isang unit ng Kawasaki CT Bajaj 100.
Samantala, naaresto ng mga tauhan ng Gabaldon MPS ang tatlong mananaya sa tupada sa Brgy. Macasandal, sa bayan ng Gabaldon.
Nasamsam sa kanila ang dalawang manok na panabong, dalawang tari, apat na cock box, limang piraso ng suture needle, dalawang mototrsiklo, at perang taya na P1,920 ang halaga.
Nakatakdang sampahan ng mga naaangkop na kasong kriminal at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at PD 1602 (Illegal Gambling) laban sa mga arestadong suspek.
Gayondin, nagkasa ang mga elemento ng Palayan CPS, Daraga MPS (PRO5), at Special Forces Regiment ng Manhunt Charlie operation sa Fort Magsaysay, Brgy. Militar, sa lungsod ng Palayan na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang service man na residente sa Brgy. Badian, Oas, Albay sa paglabag sa RA 7610 at kasong Rape.
Dinala ng mga tauhan ng Daraga MPS ang suspek pabalik sa lalawigan ng Albay para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, boluntaryong isinuko ang isang sumpak na walang serial number at isang pirasong 12-gauge na bala sa himpilan ng Talugtug MPS; at isang homemade shotgun na walang serial number ang isinuko sa Cabanatuan CPS bilang bahagi ng Balik-Baril Program ng PNP. (MICKA BAUTISTA)