DINAKIP ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District (QCPD) ang isang big time drug pusher makaraang makompiskahan ng P3.5 milyong halaga ng shabu sa buy bust operation sa lungsod.
Kinilala ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang nadakip na si Muslimin Mantil, 28 anyos, residente sa Poblacion Talitay, Maguindanao.
Dakong 10:15 pm nitong 21 Pebrero, nang isagawa ang drug operation sa Quirino Highway, Brgy. Bagbag, Quezon City.
Isang ahente ng PDEA ang nagpanggap na buyer. Nang magkaabutan ay inaresto ang suspek na tatlong linggo nang minanmanan ang ilegal na aktibidad.
Alibi ng suspek, inutusan siya kapalit ng P500 ngunit inamin na alam niyang shabu ang nakasilid sa dala-dala niyang paper bag.
Nakompiska mula kay Mantil ang 550 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,500,000 gayondin ang buy bust money.
Nakapiit ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Dangerous Drug Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN)