PATAY ang 6-anyos batang lalaki makaraang maiwanan at makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Quezon City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Halos hindi na makilala ang sunog na bangkay ng biktimang si Jorense Batola Moreto, 6-anyos, nang matagpuan sa nasunog na 2-storey residential na matatagpuan sa Don Primitivo St., Don Antonio Heights, Brgy. Holy Spirit, Quezon City, na pag-aari ng isang kinilalang Ludivica Manuel.
Ayon sa tiyahin ng bata, hindi na nila nagawang mailigtas pa si Jorense dahil sa bilis ng paglaki ng apoy sa silid na tinutulugan nito, habang nakatakbo palabas ang dalawa pang kapatid nito.
Sa report ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), bandang 9:10 pm nang magsimula ang sunog sa 2-storey residential sa nasabing lugar na inokupahan ng kinilalang si Josephine Nachura Moreto, 29.
Batay sa imbestigasyon nina SFO2 Mary Ann Mostacisa at SFO1 Derick Caranto, nagsimula ang sunog sa kisame ng unang palapag ng gusali at mabilis na kumalat ang apoy sa siyam na mga katabing kabahayan kung saan 18 pamilya ang nawalan ng tahanan.
Tinatayang nasa mahigit P25,000 ang halaga ng naabong mga ari-arian sa insidente na umabot sa first alarm at tumagal ng isang oras.
Patuloy ang isinasagwang imbestigasyon ng BFP upang mabatid ang sanhi ng sunog. (ALMAR DANGUILAN)