NAKAPAGBAKUNA na ang lalawigan ng Bulacan ng kabuuang bilang na 2,009,498 dosis ng bakuna ng CoVid-19 batay sa tala ng Provincial Health Office – Public Health noong 25 Oktubre 2021.
Sa numerong ito, 1,123,117 ang itinurok para sa unang dose; at 886,381 ang kompleto na ang bakuna laban sa CoVid-19.
Ang mga may kompletong bakunang indibidwal ay bumubuo sa 34 porsiyento ng 70% ng mga maaaring mabakunahang populasyon ng 15 anyos pataas sa lalawigan.
Ipinapakita rin sa ulat na tumanggap na ang Bulacan ng kabuuang 2,753,790 dosis ng bakuna sa CoVid-19 na ang 1,357,646 ay Sinovac, 209,340 ang AstraZeneca, 716,040 ang Pfizer, 113,500 ang Janssen, 272,984 ang Moderna, at 84,280 ang Sinopharm.
Pinaalalahanan ni Gob. Daniel Fernando ang mga Bulakenyo na huwag magpakakampante at patuloy na sumunod sa minimum public health protocols upang makaiwas sa nakamamatay na sakit.
“Patuloy po tayong mag-ingat. Gumamit pa rin po tayo ng face mask at face shield, dahil sabi nga po ng Department of Health, kahit vaccinated na tayo, maaari pa rin tayong tamaan ng CoVid-19,” ayon sa gobernador.
Maaaring makita ang Bulacan CoVid-19 Update, Vaccination Statistic, at iba pang anunsiyo na may kinalaman sa CoVid-19 sa covid19updates.bulacan.gov.ph. (MICKA BAUTISTA)