SINALAKAY ng mga operatiba mula sa PDEA Central Luzon ang isang pinaniniwalaang drug den, na ikinaaresto ng pito katao sa lungsod ng Angeles, sa lalawigan ng Pampanga, nitong Biyernes ng tanghali, 22 Oktubre.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakakompiska ng P102,000 halaga ng hinihinalang shabu kasunod ng ikinasang entrapment operation sa Brgy. Pandan, sa naturang lungsod.
Kinilala ni PDEA 3 Director Bryan Babang ang mga nadakip na suspek na sina Ronnalyn Reyes, 19 anyos, ng Brgy. Pandaqaqui, Mexico; Elyzar Pasague, 22 anyos; Edson Carreon, 21 anyos; Florentino Manaloto, alyas Boyong, 59 anyos; Abdul Fatah Orogan, 24 anyos;
Harmon Santos, alyas Jay-r, 18 anyos, pawang mga residente sa Visayas St., Brgy. Pandan, Angeles City, Pampanga; at Samuel Moya, 33 anyos, tubong lalawigan ng Albay.
Nasamsam mula sa grupo ang walong selyadong pakete na naglalaman ng hindi kukulangin sa 15 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P102,000; sari-saring drug paraphernalia; at buy bust money.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9262 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na nakatakdang isampa sa korte.
(MICKA BAUTISTA)