NATANGAY ng mga magnanakaw ang higit P5 milyong halaga ng salapi matapos wasakin ang isang automated teller machine (ATM) na nasa sa loob ng isang mall sa lungsod ng Gapan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Sabado, 16 Oktubre.
Ayon sa ulat, gumawa ang mga suspek ng malaking butas sa pader ng mall kung saan sila dumaan para marating ang ATM.
Ayon kay P/Col. Rhoderick Campo, provincial director ng Nueva Ecija PPO, may construction na ginagawa sa lugar at may bantay kaya tinitingnan nila ang anggulong inside job.
Nabatid na tinatayang nasa P5,000,000 cash ang nakulimbat mula sa winasak na ATM.
Sa pagkalap ng ebidensiya, nakapagtala ang mga awtoridad ng limang persons of interest habang bumuo na rin ng special investigation task force na tututok sa naganap na nakawan.
(MICKA BAUTISTA)