SA LAYUNING mahanap ang mga may aktibong Tuberculosis (TB), maipalaganap ang kaalaman, at mabawasan ang diskriminasyon laban sa mga pasyente, nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ng Definitely Free from TB: Screening and Chest X-ray para sa mga high-risk na kawani at mga nakapiit sa Bahay Tanglaw Pag-asa sa covered area ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa Provincial Public Health Office, nanguna sa aktibidad, nakapagsagawa sila ng tuberculin skin test (TST) na paraan ng TB screening at chest X-ray sa 133 empleyado at 85 kabataang nasa Tanglaw.
“Binuksan natin ito sa lahat ng mga empleyado ng Kapitolyo at mga nasa loob ng Tanglaw na puwedeng may symptoms o pakiramdam nila na-expose sila. Sa ganitong paraan, nahahanap natin ‘yung ibang mga may TB na nagdadalawang isip magpatingin at naiiwasan ‘yung hawaan pa,” ani Dr. Jocelyn Gomez, pinuno ng PHO-PH.
Sa tala ng World Health Organization (WHO) noong 2020, Filipinas ang may pinakamataas na kaso ng TB sa Asya na mayroong 554 kaso sa kada 100,000 Filipino.
Base naman sa tala ng Kagawaran ng Kalusugan, dahil naantala ang regular na serbisyo para sa TB gaya ng konsultasyon, tests at gamutan dahil sa pandemya, ito ay nagresulta ng pagbaba ng mga kaso ng TB na naipagbigay alam sa pamahalaan kaya naman sa pagtatapos ng 2020, nasa 268,816 ang mga bago at relapse na mga kaso ng TB ang naitala sa DOH.
Nakitang nasa mahigit 100,000 Filipino ang maaaring mamatay sanhi ng TB sa susunod na limang taon kung patuloy na maaantala ang mga nabanggit na serbisyo.
Nanawagan si Gob. Daniel Fernando sa mga Bulakenyo, kung sa tingin nilang sila ay na-expose o nagpapakita ng sintomas ng TB, agad magpakonsulta sa doktor o magtungo sa pinakamalapit na pampublikong pagamutan na 100 porsiyentong libre ang gamutan.
Ang TB ay sanhi ng bacteria (mycobacterium tuberculosis) na ang karaniwang apektado ay baga. Naipapasa ito sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing o pagdura. Karaniwang sintomas ang matagal na pag-ubo, pananakit ng dibdib, panghihina o pagkahapo, pagbaba ng timbang, lagnat, at pagpapawis sa gabi.
Naisagawa ang gawaing ito sa pakikipagtulungan ng DOH, Alay Buhay Partylist, Philippine Business for Social Progress at Advancing Client-Centered Care and Expanding Sustainable Services for TB (ACCESS TB).
Samantala, nakiisa rin ang Bulacan sa pagdiriwang ng Global Handwashing Day 2021 na namahagi ang lalawigan ng 97 hygiene kits at nagsagawa ng lecture/awareness activity sa kahalagahan ng paghuhugas ng kamay at tamanag paraan nito sa Bahay Tanglaw Pag-asa. (MICKA BAUTISTA)