ARESTADO ang isang dating kapitan ng barangay na kabilang sa listahan ng top most wanted persons ng Zambales sa isinagawang manhunt operation ng mga awtoridad sa naturang lalawigan, nitong Linggo, 3 Oktubre.
Sa ulat mula kay P/Col. Romano Cardiño, acting provincial director ng Zambales PPO, kinilala ang suspek na si Angel Cabbab, 74 anyos, dating kapitan ng barangay at residente sa Purok 1 Laderas St., Brgy. Lucero, bayan ng San Marcelino, sa naturang lalawigan.
Dinakip si Cabbab ng mga tauhan ng San Marcelino Municipal Police Station (MPS), Provincial Intelligence Unit (PIU), 2nd PMFC, 305th Maneuver Coy at CIDT Zambales sa ikinasang manhunt operation sa Brgy. San Rafael, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na si Cabbab ay may nakabinbing warrant of arrest para sa krimeng Rape sa ilalim ng Criminal Case No. 2019-74FC na inisyu ni Judge Gemma Theresa Hilario-Logronio, assisting Judge ng Olongapo City RTC Branch 73, may petsang 7 Pebrero 2019 na walang itinakdang piyansa.
Pangunahing suspek si Cabbab sa panggagahasa sa isang 3-anyos batang babae noong 12 Disyembre 2018.
Naganap ang insidente ng panghahalay habang siya ang incumbent barangay chairman ng Brgy. Lucero at nagpakatago-tago sa ginawang krimen hanggang maaresto kamakalawa ng tanghali. (MICKA BAUTISTA)