MAAARI nang daanan ng mga motorista ang pinalawak na 2.22-kilometer section ng Arterial Plaridel Bypass Road, kasama ang isa sa pinakamahabang tulay sa Angat River, sa bayan ng Bustos, lalawigan ng Bulacan.
Sa pahayag ng Public Works and Highways (DPWH), mapagbubuti ng dalawang bagong lane ang transport capacity ng bypass road dahil sa pagdami ng bilang ng mga motoristang maaaring dumaan patungo sa silangang bahagi ng Bulacan at Nueva Ecija.
Bahagi ang ginawang pagpapalawak ng Arterial Road Bypass Project-Phase 3 na pinondohan sa ilalim ng loan agreement sa pagitan ng gobyerno ng Filipinas at Japan International Cooperation Agency (JICA).
Nagsagawa ng final inspections sina DPWH Undersecretary Emil Sadain bilang kinatawan ni Sec. Villar at mga opisyal ng Embassy of Japan to the Philippines sa pamumuno ni Economic Affairs Minister Masahiro Nakata na nagrerepresenta kay Ambassador Kazuhiko Koshikawa, JICA Philippines Chief Representative Eigo Azukizawa, at JICA Senior Representative Kenji Kuronuma.
Sinabi ni Sadain, kasama sa widened section ang 1.12-kilometer Angat Bridge, 40.86-meter Tambubong Bridge at 1.06-kilometer road section na kabilang sa Contract Package 3 ng Arterial Road Bypass Project Phase 3.
Sakop ito ng pagpapalawak sa bagong 24.61-kilometer stretch ng Plaridel Bypass Road mula Balagtas sa bahagi ng North Luzon Expressway hanggang San Rafael, Bulacan.
Sa ngayon, patuloy ang capacity improvement works sa iba pang contract packages.
(MICKA BAUTISTA)