9 katao timbog sa illegal refilling ng butane canister
NADAKIP ng mga awtoridad ang siyam katao kaugnay sa sumbong na sangkot sa ilegal na pagre-refill ng mga butane canister sa bayan ng Baliwag, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 16 Hunyo.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, matapos matanggap ang ulat kaugnay sa talamak na pagkakarga at pangangalakal ng tripler LPG canister sa Baliuag, agad nagresponde ang Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at nagkasa ng sunod-sunod na buy bust operations sa siyam na illegal trading at tindahan ng LPG na nagbebenta ng refilled butane at tripler canister sa Brgy. Tangos, sa naturang bayan.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng siyam na indibidwal dakong 1:30 pm kamakalawa na naaktohang nagbebenta ng tripler at butane canisters na walang standard compliance certificate mula sa Department of Energy (DOE) at sertipikasyon mula sa kompanya.
Nakompiska ng pulisya mula sa mga suspek ang kabuuang 241 butane canisters na may iba’t ibang brand, mga sira-sira at non-refillable o single trip.
Dinala ang mga kompiskadong ebidensiya kabilang ang iba pang equipment na ginamit at gagamitin pa sa PIU ng Bulacan PPO samantala inihahanda ang kasong paglabag sa PD 1865 laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)