Hostage-taker patay sa PNP rescue ops
PATAY ang isang lalaking suspek sa pagwawakas ng insidente ng hostage-taking sa bayan ng San Rafael, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes ng hapon, 14 Hunyo.
Binawian ng buhay ang hindi kilalang lalaki matapos manlaban sa pulisya na nagtangkang iligtas ang isang menor-de-edad na biktima ng hostage sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, naganap ang hostage taking sa Brgy. Banca-Banca, sa naturang bayan dakong 6:30 pm, kamakalawa.
Sa ulat na isinumite ni P/Lt. Col. Ferdinand Germino, hepe ng San Rafael Municipal Police Station (MPS), biglang pumasok ang suspek sa loob ng bahay ng biktima habang may hawak na baril.
Isinara ng suspek ang pinto ng bahay at sinunggaban ang bata saka ini-hostage sa loob ng tatlong oras at kalahati.
Nagkaroon ng negosasyon sa pagitan ng lalaki at mga awtoridad ngunit sa kasamaang palad ay bigo ang mga pulis na mahimok na sumuko ang suspek.
Kalaunan ay higit na naging marahas ang lalaki at sinimulan nang saktan ang bata kaya kumilos ang mga pulis upang iligtas ang biktima ngunit pinaputukan sila ng suspek.
Nang malingat ang lalaki at matiyak ang kaligtasan ng bata, napilitan nang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek sa loob mismo ng bahay.
Narekober sa lugar ng krimen ang isang kalibre .38 na Smith and Wesson revolver, walang serial number, mga basyo at bala, 10 sachets ng hinihinalang shabu.
Inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng napatay na hostage-taker. (MICKA BAUTISTA)