12 sabungero huli sa akto (Kalaboso sa tupada)
KAHIT nasa gitna ng pandemya, patuloy pa rin sa tupada ang ilang sabungero sa lalawigan ng Bulacan hanggang maaktohan sila ng pulisya na nagresulta sa pagkaaresto ng 12 sa kanila sa lungsod ng San Jose del Monte, sa nabanggit na lalawigan, nitong Linggo, 13 Hunyo.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ikinasa ng mga tauhan ng San Jose Del Monte CPS ang isang anti-illegal gambling operation sa Pabahay 2000, Brgy. Muzon, sa nabanggit na lungsod.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa 12 sabungero na naaktohan mismo sa nasabing barangay habang nasa kainitan ng ilegal na sabong.
Kinilala ang mga nasukol na suspek na sina Oliver Ian Santonil, Edwin Juanola, Nilo Belicario, Niño Sedano, Sonny Becenio, Jr., Dan Vincent Bandol, Gabriel Cobrado, Ignacio III Leoveras, Eugene Montero, Christian James Tigranes, Noel Balingasa, at Fernando Navarro, pawang mga residente sa Brgy. Muzon.
Sa isinagawang operasyon, nakompiska ang dalawang manok na panabong (fighting cocks), dalawang tari (gaffs), at P2,200 bet money mula sa mga suspek na ngayon ay nasa SJDM CPS Custodial Facility. (MICKA BAUTISTA)