4 Timbog sa P1.39-M shabu, 4 law violators arestado
KOMPISKADO ang tinatayang P1,394,000 halaga ng hinihinalang shabu na may timbang na 205 gramo habang arestado ang walong suspek na pawang may paglabag sa batas sa sunod-sunod na operasyon na isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 31 Mayo.
Ayon kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, nasasamsam ang 14 piraso ng selyadong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 205 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1,394,000, mula sa apat na suspek sa ikinasang buy bust operation ng mga tauhan ng San Jose Del Monte City Police Station (CPS) sa Brgy. Muzon, lungsod ng San Jose del Monte.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Dennis Perez, Irene Torda, Ronald Buentipo, at David Martin, na kasalukuyang nasa custodial facility na ng SJDM CPS.
Kasunod nito, natimbog rin ang dalawa pang drug suspect sa magkakahiwalay na buy bust operation ng mga operatiba ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) sa Brgy. Mojon, sa lungsod ng Malolos.
Kinilala ang mga arestadong suspek na sina Pete Paul Javier at Dan Anthony Dimagiba, nakuhaan ng 14 plastic sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na dalawang gramo at may DDB value na P13,600.
Samantala, nasukol ang dalawa pang wanted person sa magkahiwalay na manhunt operations ng magkasanib na puwersa ng Bulacan Crime Investigation and Detection Group (CIDG), Doña Remedios Trinidad (DRT) Municipal Police Station (MPS), at Santa Maria Municipal Police Station (MPS).
Nadakip sa bisa ng mga warrant of arrest ang dalawang suspek na kinilalang sina Jaime Aido sa kasong paglabag sa Section 78 ng PD 705 na inamyendahan ng EO 277 (Revised Forestry Code of the Phil.) sa Brgy. Mojon, Malolos; at Mark John Gallego sa kasong Acts of Lasciviousness (RPC Art. 336) sa Brgy. Camangyanan, Sta. Maria. (MICKA BAUTISTA)