Barangay officials ‘di puwedeng lumahok sa partisan politics (Kaugnay sa kumalat na sulat sa Bulacan)
PINAALAHANAN ni Senate Minority Leader Frank Drilon ang mga opisyal ng mga barangay na hindi sila maaaring pumasok sa partisan politics.
Ginawa ito ni Drilon nang kumalat sa social media ang sinasabing sulat ng isang barangay chairman sa mga residente ng Brgy. Pagala, sa bayan ng Baliuag, lalawigan ng Bulacan na nagtatanong kung susuportahan nila ang kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Binanggit ng senador na ipinagbabawal sa Omnibus Election Code at Local Government Code ang pakikilahok ng barangay officials sa partisan politics.
“They cannot campaign or endorse the candidacy of any person. More so, they cannot use the resources of the barangays for political activities. That is a violation of the law,” pahayag ng senador.
Paalala niya, ang barangay, maging ang Sangguniang Kabataan ay itinuturing na ‘non partisan in nature and practice.’
Umapela din si Drilon sa mga lokal na opisyal na huwag gamitin ang mga barangay upang makakuha ng ‘pogi points’ at maisulong ang kanilang pansariling interes sa politika.
“Huwag na po nating gamitin ang barangays sa politika. Huwag nating bigyan ng kulay ang barangay. Let them remain apolitical,” panghihikayat ng senador. (MICKA BAUTISTA)