‘Umbrella Cockatoos’ ilegal na ibinebenta, 2 online sellers timbog sa Bulacan
DINAKIP ng mga operatiba ng Environmental Protection and Enforcement Task Force (EPETF) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at pulisya sa bayan ng Baliuag, lalawigan ng Bulacan ang dalawang illegal wildlife traders ng ‘umbrella cockatoos’ (cacatua alba), isang uri ng ibong loro, sa isang entrapment operation.
Kinilala ni P/Cpl. Niño Gabriel, imbestigador ng Baliuag Municipal Police Station, ang mga suspek na sina Alvin Santos at Rendel Santos, kapwa residente sa Brgy. Tarcan, sa naturang bayan, na inaresto sa ilegal na pagbebenta ng wildlife at walang kaukulang permit mula sa DENR.
Ayon kay Paquito Moreno, Jr., executive director ng DENR regional office, nag-ugat ang operasyon mula sa online surveillance ng impormante na nag-ulat sa mga awtoridad na ang mga naarestong indibidwal ay nagbebenta ng wildlife gamit ang multiple accounts sa Facebook, isang social media platform.
Aniya, napagkasunduang magkasa ng isang buy bust operation noong 3 Mayo kaya nakipagkita ang assets ng DENR sa naturang wildlife traders upang makabili ng dalawang umbrella cockatoo sa halagang P85,000.
Ipinaliwanag ni Moreno, ang ‘umbrella cockatoo’ ay endemic species ng loro mula sa Indonesia, at nabibilang sa endangered species na nakatala sa International Union for Conservation of Nature (IUCN).
Ayon sa pag-aaral, ang populasyon ng umbrella cockatoo ay pawala na halos dahil sa hunting, pagkawala ng mga kagubatan, at patuloy na illegal trade.
Hinimok ni Moreno ang publiko, partikular ang mga netizens, na iwasang magbenta at bumili ng wildlife species nang walang kaukulang permit mula sa DENR.
Ayon sa ilang trader, luminya sila sa online platforms upang makakuha ng wildlife, kabilang ang mga migratory birds, dahil ang trading, collecting, hunting, o possessing ng wildlife at iba pang kaugnay nito ay ilegal at may kaparusahan ayon sa itinatadhana ng wildlife law.
Ayon din kay Dennis Vergara, hepe ng DENR-Community Environment and Natural Resources (CENRO) na nakabase sa bayan ng Baliuag, nagsampa ang DENR ng mga kasong kriminal laban sa dalawang suspek sa paglabag sa Section 27 ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources and Conservation and Protection Act of 2001.
Kung mapatutunayang nagkasala, ang mga suspek ay makukulong ng mahigit dalawang taon at pagmumultahin ng P200,000.
Dinala ang mga nakompiskang umbrella cockatoos sa DENR Biodiversity Management Bureau (BMB) para sa kaukulang pangangalaga at rehabilitasyon. (MICKA BAUTISTA)