BATID kong karamihan sa ating mga karerista ay nag-aantabay na sa muling pagbabalik ng ating paboritong libangan na kung saan ay may “tentative schedules” na sa susunod na buwan ng Hulyo para sa susunod na anim na weekend, ikanga may dalawang ikot na Sabado’t Linggo base sa liham na isinumite ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) sa tanggapan ng IATF (Inter-Agency Task Force) kapag nailagay na sa MGCQ (Modified General Community Quarantine) ang NCR (National Capital Region) at mga lugar na kinasasakupan ng tatlong karerahan.
Aabangan natin ang magiging anunsiyo mula sa IATF ngayong katapusan ng Hunyo at sa darating na ika-15 ng Hulyo na kung saan ay diyan nakadipende ang pagsisimula na puwede na magkaroon ng pakarera. Para sa karagdagang impormasyon ng mga klasmeyts natin na hindi pa nakakaalam nung mga schedules: San Lazaro (Hulyo 18-19 at Agosto 08-09), Metroturf (Hulyo 25-26 at Agosto 15-16) at Santa Ana Park (Agosto 01-02 at 22-23). Ang para sa araw ng Sabado ay magiging dipende pa iyan kung marami ang magiging kalahok na mapagkakasya para sa dalawang araw na magkasunod.
Dumako naman tayo sa mga karerahan na kung saan ay normal na ang pag-eensayo at pagkukundisyon sa mga kabayo tuwing umaga, kaya marami na ang batak at maaari nang lumahok sa pagbalik ng karera. Pagdating naman sa pista (racetrack) ay tanging ang karerahan pa lamang sa Malvar, Batangas ang nabalitaan kong nag-ayos at nagkundisyon ng kanilang pista kabilang na ang pagdagdag ng buhangin, kaya naman ayon sa ating bubwit sa Metroturf ay naging mainam kumamot ang mga kabayo sa kanilang pag-eensayo. Sa higit na dalawang linggong nalalabi kung sakali man ay maituturing na may mga nakahanda ng kabayo sa mga karerahan.
Pagdating naman sa usaping tayaan medyo palaisipan pa dun sa mga klasmeyts natin na maglilibang sa paborito nilang OTB sa kanilang lugar dahil dipende rin iyan sa mga operator kung paanong diskarte ang kanilang gagawin angkop sa protocol na ibibigay ng GAB (Games and Amusement Board) at IATF.
Ayon naman sa ilang operator na aking nakausap ay literal na tayaan lamang muna ang nais nilang mangyari at wala muna ang pagbubukas ng kanilang TV monitor upang hindi magkasiksikan ang mga mananaya nila. Sa parte naman ng mga karerista o mananaya ay pabor na rin sa iba iyon na ang tanging gagawin na lamang ay magbu-booking ng taya, meaning ay mag-advance na sila at sa bahay na lamang manood ng takbuhan. Para naman sa may mga gadgets (mobile phone, laptap, computer, atbp.) ay pabor sa kanila dahil hindi na lalabas ng tahanan, pero ang tanging katanungan na lamang nila ay paano kung malaking halaga na ang kanilang tatamaan o kukubrahin? Ang tanging kasagutan lamang diyan ay magtungo na lamang kayo sa tanggapan ng karerahan kung saan kayo nakatama. Okidoks.
REKTA
ni Fred L. Magno