LABIS ang pasasalamat ng isang overseas Filipino worker na nakulong ng apat na taon sa Bahrain kina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Christopher “Bong” Go.
Ito ay matapos makalaya at makauwi sa bansa ang OFW na kinilalang si Roderick Aguinaldo.
Sinabi ni Aguinaldo, hindi siya magsasawang magpasalamat kay Pangulong Duterte lalo kay Senator Go dahil kung ano ang ipinangako ay kanilang ginagawa talaga.
Si Aguinaldo ay dumating sa bansa nitong 7 Hunyo at agad isinailalim sa COVID-19 swab testing at protocol quarantine ng mga nagbabalik sa bansa bago tuluyang makauwi sa kanilang pamilya.
Sinabi ni Aguinaldo, na dahil sa sobrang katuwaan, gusto niyang personal na magpasalamat kina Pangulong Duterte at Senator Go sabay ‘wish’ na sana’y madagdagan ang mga katulad nilang opisyal ng gobyerno.
Labis din ang pasasalamat ng asawa ni Roderick na si Imelda Aguinaldo kina Pangulong Duterte at Senator Go dahil sa pagtulong sa kanyang asawa para makalaya at makauwi na sa bansa.
Ikinuwento ni Imelda kung paano siyang natulungan ni Senator Go noong panahon na hindi niya alam ang gagawin dahil sa nangyari sa kanyang asawa at tinulungan din siyang makakuha ng trabaho ng senador sa Metro Manila para matustusan ang kanyang mga anak.
Dagdag ni Imelda, pinasundo pa sila ni Senator Go sa Bicol at inilipat ng eskuwelahan ang mga anak sa Metro Manila at binigyan ng allowance ng senador.
Si Aguinaldo ay nahatulan ng parusang kamatayan sa Bahrain dahil sa pagpatay sa isang foreign national pero dahil sa pagtulong ni Go at pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Bahrain ay naisalba ang buhay ng isa nating kababayan.
Kaugnay nito, sinabi ni Go, ang kuwento ng buhay ni Aguinaldo ay isa sa mga patunay na kailangan ng isang Departamento na tututok sa mga OFW at sa kanilang pamilya tulad ng isinulong niyang Senate Bill 202 o ang pagbuo ng Department of Overseas Filipino Workers.
(CYNTHIA MARTIN)