Monday , December 23 2024

‘Di pa tapos ang laban

HINDI pa masasabing ganap nang nakamit ng 57 biktima at kanilang pamilya ang katarungan sa karumal-dumal na 2009 Maguindanao Massacre.

Sa ayaw at sa gusto natin, tiyak na iaapela ng mangangatay na pamilya Ampatuan sa Korte Suprema ang kaso dahil ang ibinabang hatol ng mababang hukuman ay hindi pa pinal.

Kaya naman maraming tuyong dahon pa ang malalagas sa tangkay ng panahon at ibang usapan pa rin kung ang ipinataw na hatol ng mababang hukuman laban sa mga halimaw na nahatulan sa Maguin­danao Massacre ay kakatigan ng Korte Suprema.

At walang makapagsasabi na bago pa magkaroon ng pinal na hatol ay kapiling na ng magkapatid na “Datu Unsay” (Andal Jr.) at Zaldy ang kanilang amang si Andal Sr., sa impiyerno.

Kung tutuusin, kahit 57 habambuhay na pagkabilanggo ang ipinataw sa mga akusadong nahatulan ay hindi sapat na parusa kompara sa tindi ng nagawang krimen.

Walang kasalanan ang 32 mamamahayag na kasamang kinatay ng mga Ampatuan na nag-ugat sa away-politika.

Ang hindi natin alam ay kung natulungan ni dating Maguindanao governor at ngayo’y Congresman Toto Mangudadatu ang pamilya ng mga napaslang na mamamahayag matapos magmistulang “human shield” sa politika.

Gano’n pa man, mabibilang sa daliri ang mga tulad ni Judge Jocelyn Solis-Reyes Quezon City Regional Trial Court Branch 221 na hindi ikinompromiso ang kanyang tungkulin bilang tapat na hukom.

Sa ngayon, hindi pa natatapos ang laban para sa pamilya ng 32 mamamahayag.

HAPPY BIRTHDAY MAYOR FRED LIM!

BUKAS ay muling magdiriwang ng kanyang kaarawan ang ating idolo na si dating Manila Mayor Alfredo S. Lim.

Sa pagkakaalam natin, December 21, 1929 isinilang si Lim pero dahil sa taglay na tikas ay sino ang mag-aakala na 90 anyos na ang tinaguriang “Dirty Harry” ng Maynila?

Ang katunayan na hindi kumukupas si Lim, hanggang ngayon ay tuloy pa rin sa kanyang nakagawian na tapusin ang simbang-gabi tuwing sasapit ang Disyembre.

Tayo po ay taos-pusong bumabati sa ating idolo at dumadalangin na patuloy pang pagkalooban ng maraming kaarawan.

Maligayang kaarawan po sa inyo, Mayor Lim!

SA USA, IMPEACHMENT SA ‘PINAS, IMPEKSIYON

INAPROBAHAN ng mayorya sa United States House of Representatives ang Articles of Impeachment laban kay Pres. Donald Trump.

Pawang nagmumula sa Democrats at isang independent member ng House ang bumoto pabor sa impeachment ni Trump.

Siyempre may magkakahalo ang reaksiyon, may kontra at may pabor.

Ang mayorya ng kasalukuyang US House of Representatives ay kontrolado ng mga kalaban ni Trump sa Democrats.

May mga nagsasabi naman na hindi magtatagumpay ang impeachment laban kay Trump pagdating sa Senado na ang mayorya ay mga kapartido niyang Republican.

Ano pa man ang sabihin ay isa lang ang dapat mapansin – gumagana ang sistema sa US kompara sa atin.

‘Yan ang kagandahan sa demokrasya kapag ang check and balance ay gumagana.

Bagama’t karamihan sa ating sistema ay kinopya sa US, imposible nang magtagumpay ang impeachment dito sa atin na hindi lamang Senado at Kamara ang kontorlado ng nakaupong administrasyon, kung ‘di pati Korte Suprema.

Ang mga Kano ay naninindigan sa kanilang partido, Democrat kung democrat at Republican kung Republican.

Dito sa atin, kung sino ang nakaupo, ‘yun lang ang partido at kung pupuwede lang ay ipagbawal ang magkaroon ng ibang partido na oposisyon.

‘Pag oposisyon, dilawan ka. Pero kahit dilawan ka at sumabit ka sa administrasyon, hindi ka na dilawan.

Kaya’t imbes na impeachment, ipinagdarasal na lang ng iba na maimpeksiyon ang ating pangulo, hehehe!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *