TALAGA nga palang isinusuka ang tambalan sa raket ng isang opisyal at empleyado na nabansagang “Batman and Robin” sa Bureau of Immigration (BI).
Ito ang ating natuklasan sa mga natanggap nating tawag at reaksiyon mula sa masusugid na mambabasa ng pitak na ito at mga tagasubaybay ng ating malaganap na programa – ang “Lapid Fire” sa DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz/AM) na sabayang napapanood sa Sky Cable Channel 224, TV Plus at digital boxes.
Kaya naman marami pa tayong nakalap na impormasyon sa mga kahindutang pinaggagagawa nitong sina “AL” at “JOSEPH” bilang opisyal at empleyado ng BI, ayon sa pagkakasunod.
Nabatid sa source, ito umanong si Joseph ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil sa talamak na human trafficking at human smuggling sa Diosdado Macapagal International Airport-Clark (DMIA-Clark).
Itong si Joseph ang kasabwat ng mga illegal recuiter at fly-by-night na travel agencies sa pagpapalusot ng Pinoy tourist workers patungong Middle East at mga bansa tulad ng Iraq na ang deployment ay mahigpit na ipinagbabawal ng ating pamahalaan.
Hindi bababa sa P800,000 ang pinagpapartehang kita ng mag-amo katumbas ng halagang P40,000 na ‘tongpats’ sa bawat Pinoy tourist worker na palusot ni Joseph sa DMIA-Clark kada araw.
Hindi pa kasama riyan ang malaking kita na pinaghahatian ng mag-amo sa ilegal na pagpasok ng “kambing” ‘este, Indian nationals na nasa kategoryang restricted nationality at maaari lamang pahintulutang makapasok kung may kaukulang visa na iginawad ng ating embahada sa kanilang bansa.
Aba’y, dinaig pa raw ni Batman, este, Al si Pang. Rodrigo “Digs” Duterte at binalewala pati ang nakatataas niyang opisyal na si Commissioner Jaime Morente na direktang nagrerekomenda kay Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra ng mga itatalaga sa mga juicy position sa BI.
Napag-alaman, inirekomenda ng damuho kay Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra na maitalaga ang isang mababang Immigration Officer 1 (IO1) bilang hepe ng Port Operations Division (POD).
Sa asar daw ni SOJ ay nilamukos, pinagpunit-punit at saka ibinalibag sa basurahan ang rekomendasyon ni Badman, este, Batman. ‘Yan ang katunayang hindi nangangailangang bumili ng P10-M halaga ng bulletproof na sasakyan si Batman Al sa kapal ng mukha na umaastang akala mo kung sinong may authority na basta makapagrerekomenda sa SOJ ng kursunada niyang maitalaga sa puwesto.
Balita natin ay tinangka rin umanong pangahasan ng “fixcalizer” na si Batman Al, pakialaman at impluwensiyahan pati ang deliberasyon sa promotion ng mga empleyado, kamakailan.
Nagtaasan tuloy ang kilay sa hanay ng rank and file sa BI sa tapang ng apog ni Batman Al na gustong mag-exercise ng authority na maitalaga sa juicy positions ang mga ‘kamote’ na hahakot ng pitsa para sa kanya.
Ayon sa mga nakalap na impormasyon, si Batman Al din daw ang promotor sa pagdagsa ng mga Genuine Intsik (GI) sa bansa galing mainland China.
Si Batman Al din umano ang kumokontrol ng visa upon arrival sa mga GI na malakas pagkakitaan.
Sayang ang pinag-aralan ng mga tulad nitong si Batman Al na ang natutuhan ay gagamitin lang pala laban sa sariling bansa at mamamayan.
At hindi pa ‘yan mga Katropa, itong si Batman Al ay mayroon pa palang mas malalim na niluluto bukod diyan.
Si Batman Al ang suspetsang nasa likod ng isang demolition job at maitim na planong mapatalsik si Morente sa puwesto.
Sa madaling sabi, tinatarget pa pala ng damuho pati ang puwesto ng kanyang amo.
Hindi kataka-taka na darating ang oras, ang puwesto naman ni SOJ ang asintahin ni Batman Al na masyadong ambisyoso.
Sana ay masampolan na agad ng PACC si Joseph, aka Robin, at isunod naman ang kanyang among si Batman Al.
Santisima!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid