Friday , November 15 2024

‘Patukmol-tukmol’ na depensa ni Sen. Pacquiao kay Sen. Go sa pondo ng Malasakit Centers

KAHANGA-HANGA si Sen. Christopher Law­rence “Bong” Go sa lahat ng opisyal sa alinmang sangay ng pamahalaan – executive, judiciary at legislative.

Bukod tanging siya lamang ang mambabatas na umeepal, este, puma­papel sa trabahong mam­babatas na, exe­cutive pa!

Aba’y nakabibilib dahil walang sinoman sa judiciary, executive at legislative tayong alam na nakagagawa ng kanyang ‘best effort’ para makatulong sa mga kapos-palad na nangangailangan.

Kaya naman to-the-rescue agad sa kanya si Sen. Manny Pacquiao na kapwa niya presidential wannabe, este, mambabatas laban kay Rep. Edcel Lagman na kumukuwestiyon sa paggamit ng Malasikwat, este, Malasakit Centers sa pondo at income ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Para ipakita na isa siyang matalik na kasangga, magiting na tumindig si Pacquiao para patukmol-tumol na depensahan si Go, kesehodang magmistulang elementary classroom ang plenaryo ng Senado.

Sa kanyang depensa, sabi ni Pacquiao, hindi raw niya maintindihan ang mindset ng mga politiko dito sa Filipinas.

Banat ni Pacquiao, wala raw kuwenta sa taongbayan ang mga kumokontra sa programa ng mga politiko para sa mahihirap na tinawag niyang nagseserbisyo nang maganda.

Para kay Pacquiao, si Lagman daw ay laging kumokontra at ‘di raw niya alam kung against siya sa mahihirap o para lang sumikat.

Kahabag-habag talaga tayo na tawaging bansa sa pagkakaroon ng mga gaya ni Pacquiao sa Senado at pamahalaan na ang utak ay kapos na kapos ang pang-unawa sa “propriety” o sa kung ano ang wasto at hindi.

Wala sanang kuwestiyon sa ipinanga­nga­landakang pagtulong ni Go at ng kanyang Mala­sakit Center kung sarili niyang salapi ang kanyang ginagamit at hindi pondo ng PCSO na pera rin ng taongbayan.

Kung pagtulong pala ang nais ni Go gamit ang pondo ng PCSO at ibang ahensiya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa sa kawanggawa, bakit pa siya tumakbong senador?

Hindi na sana tumakbong senador at nanatili na lang si Go bilang special assistant ni Pres. Rodrigo “Digs” Duterte at nagpa-appoint na concurrent chairman ng PCSO para walang makukuwestiyon sa kanya.

Sa lahat ng mambabatas, si Go lang din yata ang may dalawang press corps – Malacañang at Senate.

Gaya nang alam natin, may tatlong magka­kahiwalay na co-equal branch ang gobyerno na ayon sa batas ay hindi puwedeng papelan lahat ni Go – ‘yan ang sigurado!

Bale ba, isa sa hilig ni Pacquiao ay itanghal na Kristiyano ang sarili pero baluktot naman ang natutunang pag-intindi sa nasasaad sa Biblia.

Para sa kaalaman ni Pacquiao na mahilig sa bersiloko-kapituloko, hindi lahat ng bagay na maganda sa paningin o sa pandinig ay tama o kaya naman ay mabuti, tulad sa ‘mansanas’ na kinain nina Eba’t Adan.

Mabuti pa siguro, para patas, magpanukala na lang si Pacquiao ng batas na maging legal ang pagnanakaw basta’t ang ninakaw ay sa pagtulong gagamitin nang sa gano’n kahit hindi politiko ay libre na rin makapagnakaw.

‘Yun naman ay kung hindi takot ang mga politiko sa kompetensiya.

Mahirap talagang ipagpilitan ang mali, lalo sa mga tulad ni Pacquiao na kailangan pang gamitan ng microscope para malaman kung may utak.

Para tapos ang usapan, bakit hindi na lang subukan ni Go na magtayo ng pribado at sarili niyang PCSO?

 

BAGONG RESERVOIR SOLUSYON SA TUBIG

PAGTATAYO ng bagong dam ang nakikitang solusyon ni Ruben Mojica, isa sa mga taga­subaybay ng ating malaganap na programa sa radyo, upang hindi tayo kapusin sa supply ng tubig, mungkahi niya:

“A healthy solution to the water shortage in Luzon is the construction of at least 4 hectares wide with 20 feet deep of water reservoir near the foot of Sierra Madre mountain instead of wasting overflowed released water during the rainy season. So why not just pipe the excess water to this man made reservoir. Then release the waters back to the existing dams when needed. Water problem solved!”

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *