PATAY ang isang empleyado ng Malabon City Hall makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang riding-in-tandem sa naturang lungsod, nitong Lunes ng gabi.
Dead on arrival sa Ospital ng Malabon (OsMa) ang biktimang kinilalang si Angelo Aquino, 33 anyos, security officer ng Malabon City Amphitheater at residente sa Sioson St., Brgy. Dampalit, sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ng hindi nabatid na bala ng baril.
Pinaghahanap ang dalawang hindi kilalang suspek sakay ng hindi naplakahang motorsiklo patungo sa Brgy. Hulong Duhat ng lungsod.
Batay sa ulat ni P/Lt. Rolando Domingo, dakong 10:30 pm nang maganap ang pananambang kay Aquino sa Gen. Luna St., Brgy. Dampalit.
Pauwi umano ang biktima sakay ng kanyang bisikleta at malapit na sa kanyang bahay sa nasabing lugar nang sabayan ng isang motorsiklo na agad siyang pinagbabaril.
Anang imbestigador na si P/SSgt. Ernie Baroy, tinitingnan nila ang tatlong motibo na kinabibilangan pagkakaroon ng romantic angle at personal na away ni Aquino.
Nabatid na kamakailan ay may nahuli ang biktimang tatlong kasamahan sa trabaho na nagnakaw ng tatlong timba ng pintura para sa renovation ng Amphitheater na agad niyang isinumbong.
Isa rin dito ang pagsusuplado niya sa ilan niyang mga kababayan sa Malabon na hindi nito pinayagang makaigib ng tubig sa loob ng nasabing teatro na ikinagalit sa biktima.
Nagkaaway din umano ang biktima at asawa nito dahil sa isang babaing nabuntis na nauwi sa pagpapakamatay ng anak nila nang mabuking.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung sino ang mga suspek.
ni ROMMEL SALES