HULI sa akto ang magsyota habang sumisinghot ng shabu sa loob ng bahay ng isang construction worker sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Monaliza Alapide, 47 anyos, repacker, residente sa Wyoming St., at Cirilo Paz Jr., 50 anyos, ng Santiago St., kapwa residente sa Vista Verde Executive Village Kaybiga, Brgy. 166.
Sa nakarating na ulat kay Caloocan police chief P/Col. Noel Flores, dakong 3:00 am nang makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen ang Caloocan Police Community Precinct (PCP) 6 hinggil sa umano’y nagaganap na pot-session sa kanilang kapitbahay.
Agad nagresponde at nagsagawa ng follow-up operation sina P/Cpl. Edgar John Reyes at P/Cpl. Nolie Boy Guerrero na naaktohan ng mga suspek na sumisinghot ng shabu sa Copenhagen St., Vista Verde Executive Village, Brgy. 165, Llano sa nasabing lungsod.
Nakompiska sa mga suspek ang isang nakabukas na transparent sachet, isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang lighter at dalawang aluminum foils.
Iniimbestigahan sa Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit para sa proper disposition.
(ROMMEL SALES)