ISA na namang blessing ang dumating sa mag-inang Sylvia Sanchez at Arjo Atayde. Ito ay ang pagkakaroon ng lokal na bersiyon sa Turkey ng kanilang seryeng pinagbidahan, ang Hanggang Saan.
Naisara ang deal ng ABS-CBN sa Limon Yapim, isang nangungunang content production company sa Turkey.
Bale tatawaging A Mother’s Guilt ang bersiyon ng Turkey ng Hanggang Saan na sisimulan ang shooting ngayong second quarter ng 2019.
Isa itong milestone para sa Kapamilya Network dahil bukod sa co-producer ang ABS-CBN sa local adaptation, ito rin ang kauna-unahang format buy ng ABS-CBN sa Turkey na isang patunay na patuloy na lumalakas ang presensiya ng mga programa ng Kapamilya Network abroad.
Napapanood sa mahigit 50 teritoryo ang mga programa ng ABS-CBN. Nakapagtala naman ang ABS-CBN ng higit sa 50,000 oras na naibentang palabas sa buong mundo.
“Patunay na ang gagawing bersiyon ng ‘Hanggang Saan’ sa Turkey na tinatangkilik din ng mga dayuhang viewer ang kuwentong Filipino dahil laging nakaangkla sa pandaigdigang tema na pagmamahal sa pamilya ang ating mga kuwento. Sabik na kaming mapanood ng mga manonood sa Turkey ang ‘A Mother’s Guilt,’” ani Laarni Yu, ABS-CBN International Distribution EMEA sales head.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio