FIRST time makakatrabaho ni Yen Santos ang lahat ng mga artistang kasama niya sa Two Love You. Karamihan sa mga ito ay komedyante tulad nina Lassy, Mc Calaquian, Dyosa Pohkoh, at Arlene Muhlach, kaya asahan nang magpapatawa rin ang aktres na mas kilala at napapanood sa mga drama series.
Kaya natanong si Yen kung bakit niya tinanggap ang pelikulang ito?
Ang dahilan niya, si Ogie Diaz.
“Totoo naman na tinanggap ko ito dahil kay Mama Ogie. Malaki ang utang na loob ko kay Mama Ogie. Sa kanya talaga ako nag-umpisa kung paano ako umarte. Kaya mai-consider ka lang… Kasi sinabi rin niya (Ogie) sa akin na dream project niya ito tapos ako ang gusto niya gumanap, so paano ako mag-no-no roon?!
“And bukod pa roon eh, maganda naman talaga ang istorya. Kaya nang sabihin niya ito sa akin, napa-oo ako, sinabi ko na gawin na natin ito,” ani Yen.
Singit na kuwento naman ni Ogie, “Sa mga hindi nakakaalam, si Yen kaya humusay (sa pag-arte) din siya, tuloy-tuloy ang paghusay niya dahil sa ‘Mutya’ ay naging kapatid ko siya na 45 minutes hindi maiarte ng tama ang eksena eh, pauwi na kaming lahat.
“Kinausap na ni Direk sa headset si Yen, ‘ano po, (sabi ni Yen) isipin ko po na patay na lola ko? Sige po’ ‘Direk pasensiya na wala pa po eh, hindi ko po maano (maisip) ang lola ko.’ Sinesenyasan ko ‘yung AD (assistant director) na ako na ang bahalang magpa-iyak kay Yen, eh ayaw pumayag. Kasi sabi ni Direk baka raw makuha (pa sa patay-patay).
“Sige po iisipin ko pong patay na ang…mama ko po?’ Tapos hindi pa rin siya maiyak. Eh inaawitan na siya ng bata, ‘yung themesong ng ‘Mutya.’ Tuloy-tuloy pa rin ang tugtog. At last pumayag din si Direk, kaya minura-mura ko si Yen.
“Sabi ko, ‘P… I… ka. Kung ano, hindi ka pala marunong umarte, ‘wag ka nang mag-artista ano?! Ang layo-layo nito, pauwi na kaming lahat, ikaw na lang ang hinihintay namin! Tingnan mo ‘yung bata kanina pa kanta ng kanta, paos na!’ sabi ko sa kanya. Sinabihan ko pa siya ng, ‘‘wag ka nang mag-artista wala kang karapatan!’
“Ayun biglang, ‘sorry po hu hu hu, sorry po hu hu hu’. Iyak siya ng iyak hanggang sa mag-cut na si Direk, iyak pa rin siya ng iyak kaya nagpalakpakan kaming lahat sa set. At niyakap ko siya sinabi ko na, ‘very good ka pala eh.’
“Kaya ako na yata ang iniisip niya kapag kailangan niyang umiyak.
“Lahat ng workshopper ko ikinukuwento ko ‘yung kay Yen.”
At ano naman kaya ang na-feel ni Yen nang murahin siya ni Ogie?
“Alam ko po na ginawa niya ‘yon para maiyak na ako. Pero ang nakatatawa kay Mama Ogs, nagpapatawa siya. Hindi naman siya seryoso kasi nga, sinasabi niya na namamaos na ‘yung bata eh hindi naman talaga kumakanta. Pero dahil sa mga sinabi niya, roon ako nakahugot kasi nga ang tagal-tagal na at hindi talaga umepekto na mamamatay ang kapamilya.
“After niyon hindi ko na siya nakalimutan,” giit pa ni Yen.
Nakatitiyak akong isang masayang pelikula ang Two Love You dahil story conference pa lang ay hagalpakan na kami eh what more kung pelikula na, ‘di ba? Isa pa, sabi nga ni Direk, may makukuhang aral pagkatapos mapanood.
Kaya abangan natin ang Two Love You.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio