MARAMI ang nagtaka at nagtanong sa amin kung bakit nagbitiw bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) si Arnell Ignacio. Ang dahilan pala ay ang kanyang amang may stage 4 prostate cancer.
Ani Arnell sa isang tsikahan noong Miyerkoles sa ilang entertainment press para ipakilala ang mga kaibigang bumubuo sa Juan Movement Partylist, napabayaan niya ang kanyang pamilya at showbiz career nang magtrabaho sa OWWA.
Ani Arnel, nagbago ang isip niya na ipagpatuloy ang pagsisilbi sa gobyerno nang bumili siya ng gamot na ang halaga ay P90,000. “’Yung gamot, P90,000 isang bote.
“Alam niyo naman sa government, hindi kami puwedeng kumita rito, that’s why I called Secretary Bello (Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE)).
Napagtanto rin ni Arnell na malaki ang nawala sa kanya simula nang iwan niya ang pag-aartista. Hindi rin siguro siya masyado mabibigatan sa presyo ng gamot ng kanyang ama kung kumikita siya sa kanyang pag-aartista.
Kuwento ng komedyante, tinanggihan niya ang ilang hosting jobs gayundin ang offer ng Ang Probinsyano para mas makapag-focus sa trabaho bilang deputy administrator ng OWWA.
Naikuwento rin ni Arnell na lumapit siya sa DSWD (Department of Social Welfare and Development). “Ngayon, kailangan kong mag-isip. Imagine niyo, lumapit ako sa DSWD. Siyempre kailangan kong mag-submit ng medical abstract, certificate of indigency, social case study, letter of request at kung ano pa.”
Iginiit pa ni Arnell na hindi siya nagre-sign sa gobyerno dahil ayaw na niyang magsilbi o magtrabaho rito. Sa totoo lang, dahil sa trabahong ito’y marami siyang natutuhan.
“I love my job, I met some very wonderful people in the government. But then, ang hinihingi sa akin, hirap na akong ibigay.”
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio