Saturday , December 21 2024

DFA records sinabotahe; imbestigahan si Coloma sa kontrata ng passport

LUMABAS din sa wa­kas ang tunay na rason kung bakit kinailangan ipatupad ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa renewal ng pasa­porte ang muling pagsu­sumite ng panibagong birth certificate (BC) sa mga aplikante.

Napilitan ang DFA na ibulgar ang malalim na katotohanan sa pagkawala ng mga lumang records pagkatapos wakasan ang maanomalyang kontrata sa pag-iimprenta ng pasaporte na iginawad ng rehimeng Aquino sa pribadong kompanya.

Ito ay matapos kuwestiyonin ni mismong DFA Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr., ang ipinatutupad na pagsusumite ng BC sa renewal ng pasaporte.

Nabulgar sa pagtatapat ni Assec. Elmer Cato na tinangay ng dating outsourced passport contractor ang mga lumang records ng DFA matapos ipawalang-bisa ng kasalukuyang administrasyon ang multi-bilyong “raket” sa pag-imprenta ng pasaporte.

Inilinaw ni Cato na ang apektado lamang ng “data breach” ay yaong mga naisyuhan ng pasaporte bago ang taong 2011 kaya’t kailangan na muling magsumite ng BC sa renewal para mairehistro ang mga datos ng aplikante.

Pero ang mga napagkalooban ng electronic passport (e-Passport) noong 2011 ay hindi apektado ng data breach at ‘di obligadong magsumite ng BC.         

Sabi ni Cato, “If the passport being renewed is an electronic passport, applicants don’t have to present original birth certificates as we should already have captured those at the time of application. Those with non e-passports issued before 2011 will have to present those documents.”

Malaking pananabotahe ang naganap sa pagkawala ng mahahalagang records sa datos ng mga pasaporte at ito ay deretsahang pag­hamak hindi lamang sa DFA kung ‘di sa kapang­yarihan mismo ng ating pamahalaan at esta­do.        

Nakababahala ito dahil walang garantiya na hindi magagamit sa masamang pakay ang mga ninakaw na datos at posibleng magsapanganib pa sa seguridad ng marami.    

Kailangan ang malawak at malalim na imbestigasyon upang mapanagot at maparusahan kung sino man ang mga sangkot at may kagagawan sa malaking krimen.     

Kung hindi tayo nagkakamali, may kinalaman din ang nabulgar na outsourced passport contract sa kuwestiyonable at maanomalyang P40 billion sa pag-imprenta ng iba pang sensitibong dokumento ng pamahalaan – kasama na ang 60 milyong balota na ginamit sa 2016 elections – na pinaniniwalaang pinaboran ng administrasyong Aquino.

Sa pagkakatanda pa natin, kinontra ng mga kawani ng National Printing Office (NPO) ang outsourced passport contractor na nakakuha rin sa P1.2 bilyong kontrata sa pag-imprenta ng mga balota sa PCOS machine ng Smartmatic na ginamit noong 2013 elections.

At sakaling maisulong ang malaking imbes­tigasyon, si dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Herminio “Sonny” Coloma, Jr., na garapata ni PNoy ang unang dapat ipatawag upang pagpaliwanagin.

Si Coloma ang naatasan noon ni PNoy para pamahalaan ang operasyon ng pribadong Asian Production Unit (APU) sa P38-bilyong 6-years contract sa pag-imprenta ng pasaporte.

Ang balita pa natin, ipinasa ng APU ang pag-imprenta sa ibang contractor (sub-contract) kaya’t nagkaletse-letse ang proseso sa pagkuha at issuance ng pasaporte.   

Para sa kaalaman ng lahat, noong July 25, 1987, ang ina ni PNoy na si dating yumaong Pang. Corazon Aquino ang naglabas ng Executive Order 285 na nag-aatas sa NPO na mag-imprenta sa lahat ng printing materials at mga dokumento ng gobyerno, kasama ang election paraphernalia.

Inamiyendahan ni dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na nagpalabas ng EO 378, inalis sa NPO ang eksklusibong mandato sa pag-imprenta.

Ang pagdulog ng NPO employees union sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa EO 378 ang nagbunsod kay dating PGMA na magpalabas ng Memorandum Circular 180 noong Aug. 13, 2009 na ibinabalik sa EO 285 ng ina ni PNoy.

Pero ang kahindik-hindik ay mas piniling ipatupad ng administrasyon ni PNoy ang EO ni PGMA, imbes ang EO ng kanyang yumaong ina.  

Aywan natin kung maging interesado pa sina Sens. Franklin Drilon at Risa Hontiveros sa imbestigasyon.

Abangan!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *