MATAGAL nang gustong magretiro ni Direk Tony Y Reyes. Ito ang agad na tinuran ng magaling na director nang kumustahin namin siya sa bago niyang pinamahalaang pelikula, ang Boy Tokwa, Lodi ng Gapo napinagbibidahan ni Jose Manalo mula sa VST Production Specialists Inc., at mapapanood na simula ngayong araw.
Anang director, apat na taon na niyang gustong magretiro sa paggawa ng pelikula. Subalit may mga offer na hindi niya matanggihan tulad nitong Boy Tokwa ni Sen. Tito Sotto. Ang huling pelikulang ginawa niya ay ang Da One That Ghost Away na pinagbidahan ni Kim Chiu mula sa Star Cinema at napanood noong Abril 2018.
Ani Reyes, 35 taon na siyang nagdidirehe. “Fifty one years old na ako sa industry. Cine Filipino days pa ako, 1967 ako.”
Hindi naman siya napilit ni Tito Sen para magdirehe, hindi lamang niya matanggihan ang Senador. “Nakakatuwa lang dahil kahit gusto ko nang magretiro, binibigyan pa rin ako ng project. Pero nakakapagod na rin talaga kasi 72 years old na ako.”
At kung hindi naman nagdidirehe si Direk Tony, siya naman ang supervising producer ni Vic Sotto sa mga pelikulang ipino-prodyus at pinagbibidahan ng komedyante. “So andoon pa rin sa creative kasama pa rin naman. ‘Yun lang pagod, stress, puyat. Parang gusto ko na lang magbiyahe kaming mag-asawa at saka mga apo, ma-enjoy namin sila,” kuwento pa ng director.
Ukol naman sa bagong pelikulang pinamahalaan niya, sinabi ng director na hindi ito tipikal na comedy. “Ang tawag namin eh, dramedy. Based on a true story na 16 years old pa lang siya, isa sa youngest member ng Bahala Na Gang. Noong panahon ng 60’s kapag sinabi mong Olongapo, ‘yun ang greener pasture, parang iyon ang Manila. Kinontak niya ang pinaka-lider ng Bahala Na Gang sa Gapo at doon siya sumama.
“Sobrang Sikat si Boy Tokwa sa Olongapo.” giit pa ni Direk Tony.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio