MAY mahalagang papel ang newbie actor na si Renshi de Guzman sa horror-thriller movie na Class of 2018 na showing na ngayon. Si Renshi ay isa sa limang T-Rex Artists na magkakaroon ng malaking debut sa pelikulang ito, kasama sina Shara Dizon, Hanna Francisco, Lara Fortuna, at Aga Arceo.
Sila ay gaganap bilang limang kaklase ng mga Goin Bulilit Alumni na sina Nash Aguas, Sharlene San Pedro, CJ Navato, Kristel Fulgar, at Kiray Celis.
Ito ay isang chilling film tungkol sa 24 mag-aaral na kabilang sa Section Zamora at ang naging disgrasya sa kanilang field trip. Isang virus na nakaapekto sa kanilang mga kaklase at naging marahas na nilalang ang mga estudyante, kaya mapipilitan silang lumaban para mabuhay sa gitna ng pagkakakulong sa isang liblib na pasilidad ng pamahalaan.
Si Renshi ay gumaganap sa pelikulang ito bilang si Louie, na isa sa mga class nerds. Siya ay 16 years old at napanood din siya sa Bakwit Boys ni Jason Paul Laxamana. Si Renshi ay nanalong G. NAASCU 2017 (National Athletic Association Schools, Colleges, and Universities) at Mr. De La Salle Araneta University 2017.
Ang budding matinee idol ay kasama rin sa paparating na horror movie na The Mirror ni Kenneth Dagatan, isang co-production ng T-Rex Entertainment at Star Cinema starring Heaven Peralejo, McCoy de Leon, at Yves Flores.
Paano niya ide-describe ang pelikula? “Iyong movie, eto ‘yung magpapa-realize sa tao na hindi porke’t mahina sa pag-aaral ay wala nang maitutulong sa lipunan.”
Ano ang masasabi niya kina Nash, Sharlene, CJ, Kiray, at Kristel? “Kina Nash, Sharlene, CJ, Kiray and Kristel po, nagustohan ko po sa kanila iyong way ng pag-treat po nila sa akin na hindi po nila pinaramdam na baguhan lang ako and ‘pag nakikita po nila ako na nahihirapan po, chini-cheer up po nila ako. Kaya po nagawa ko po ‘yung best ko noong shoot po,” saad ni Renshi.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio