HINDI maiwasan ni Klaudia Koronel ang mapaiyak kapag napag-uusapan o naalala niya ang kanyang buhay may-asawa.
Nasa bansa ngayon ang dating Seiko at Regal star para magbakasyon at sinabi niyang kapag binabalikan ang nangyaring diborsiyo sa kanila ng dating mister ay hindi niya maiwasang mapaiyak.
“Kapag nagkukuwento ako sa mga nangyari noon sa buhay ko, lalo na sa marriage ko, umiiyak talaga ako e, kahit ang tagal na niyon,” saad niya sa amin.
Simula pa lang daw ng planong pagpapakasal nila ng kanyang Chinese husband na isang US resident at that time ay nakita na niya ang posibilidad na makakaranas siya ng sakit at kabiguan sa isa sa pinakamahalagang aspekto ng kanyang buhay.
“Alam ko naman na sa simula pa lang ng plano naming pagpapakasal, sa prenuptial, sinabi niya sa akin, ‘Hanggang three years lang ang marriage natin.’
Pero dahil pala sa hindi ko pagpirma ng prenuptial, naging lungkot pala sa sarili niya iyon. Hindi siya masaya, tapos lagi niyang sinasabi, ‘This is not enough, this is not enough.’
“Parang, mayabang man sabihin, ang laki-laki ng bahay namin, tatlo ang kotse namin, may business kami, marami kaming properties, but lagi niyang sinasabi, ‘This is not enough.’ Parang hindi pa rin siya masaya. ‘Tapos, kaunting problema lang, ‘I will divorce you!’
“Inuna ko ang pagmamahal ko sa taong… iniwan ko kayo, iniwan ko ‘yung career ko, iniwan ko ang family ko, iniwan ko ‘yung anak ko, dahil sa pagmamahal ko sa lalaki,” pigil ang pag-iyak na saad pa ni Klaudia.
Dagdag niya, “Birthday ko pa noon nang nag-divorce kami… Naaalala ko pa, noong year na iyon ay namatay ang papa ko at naghiwalay kami ng asawa ko, kaya dalawang mahalagang lalaki ang nawala sa buhay ko.
“Three years pa lang ako sa Amerika that time and feeling ko ay, ‘Paano kaya ako mabubuhay mag-isa?’”
Nabanggit pa ni Klaudia na ang kanilang divorce ng mister niya nagbunsod upang pagtangkaan niyang mag-suicide nang uminom siya ng gamot at naglaslas.
“Ayaw ko nang mabuhay, kasi pag ininom mo ‘yun, unti-unti liliit ang puso mo.
“Unti-unti, mamamatay ka.
“Nilalaslas ko rin ang sarili ko, para makita ng asawa ko, maawa siya sa akin. Tapos, niyayakap naman niya ako, sasabihin niya, ‘Why do you have to do that? Why do you have to be depressed? Nandito pa naman ako. This is just a piece of paper.’ Kasi nga ayaw kong makipaghiwalay e, pero paper lang daw ‘yun,” madamdaming kuwento pa ni Klaudia.
Idinagdag ni Klaudia na dahil sa matinding depression ay dumating sa puntong kinuwestiyon niya ang Diyos.
“Dumating sa puntong nagalit ako sa Diyos noong na-receive ko ‘yung divorce papers ko, lumabas ako ng care home ko, lumuhod ako sa labas at tumingin ako sa taas. ‘Pinaglalaruan Mo ang buhay ko. Parang pinaglalaruan Mo ang buhay ko mula noong bata, mahirap ako, tapos binigyan Mo ako ng father na nananakit. Tapos pinaganda Mo ang buhay ko, pinadala Mo ako rito sa Amerika. Tapos ngayon eto ang nangyari, nawala ang asawa ko. Ano ang gusto Mong gawin ko sa buhay ko?’
“Galit talaga ako kaya ‘yung nasabi ko, ‘Patayin Mo na lang kaya ako! Kasi napapagod na ako sa hirap na ibinibigay Mo sa akin. Naging mabuti naman ako. Inayos ko ang buhay ko pati ang pamilya ko. Bakit parang pinaglaruan Mo ako? Ano ba talaga ang plano Mo sa akin?
“Madilim ang buhay ko noon. Madilim ang paligid ko. Nagka-nervous breakdown ako. Maghapon magdamag akong umiiyak. Hanggang dumating ‘yung point na parang gusto kong magwala.”
Ngunit dahil sa tulong, payo, at patnubay ng mga nakatataas sa INC (Iglesia ni Cristo), ang tiwala niya sa Diyos ay nagbalik at muling inayos ni Klaudia ang kanyang buhay. Isinaalang-alang niya ang kanyang mahal na ina, ang nag-iisa niyang anak, at mga kapatid upang muling maging maganda ang pananaw sa buhay at makibaka sa mga dagok at pagsubok na darating pa sa kanya sa hinaharap.
Umaasa si Klaudia na sa kanyang pagbabalik sa Amerika sa October 5, muling ngingiti sa kanya ang kapalaran para salubungin ang bagong buhay na minimithi niya, hindi lang para sa sarili kundi higit, para sa kanyang mga mahal sa buhay.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio