SA katatapos lamang mga ‘igan na kalamidad na naranasan ng ating bayan, partikular ang kagulat-gulat na paghugos ng baha, na lumikha ng malaking problema sa iba’t ibang panig ng bansa, aba’y ‘di biro ang mga nagbuwis-buhay nating mga kababayan.
Sadyang nakalulungkot isipin, sapagkat buhay na ng tao ang isinasaalang–alang.
Bakit nga ba nararanasan ang mga ganitong kalamidad? Tulad ng baha mga ‘igan, sadya nga bang likha ito ng mga balahurang walang ginawa kundi tapon dito, tapon doon ng mga basura o likha ito ng mga balahurang pinuno na wala namang inisip na mga proyekto o programa para sa ikagaganda ng kanyang nasasakupan?
Ang barangay mga ‘igan ay batayang yunit ng pamahalaang lokal na pinamumunuan ng isang punong barangay o ng kapitan. Sa totoo lang mga ‘igan kung sa barangay pa lamang ay magiging matino na ang pamamalakad ng mga barangay chairman, sus kay ganda ng buhay.
Magandang buhay ng barangay, masasalamin ang magadang buhay ng ating bayan.
Pansinin mga ‘igan ang mga nangyayari sa kapaligiran, ang baha, na dahil sa mga basura ng mga balahura ay lumikha ng isang malaking problema, ang suliranin sa droga na pilit na sinisira ang magandang kinabukasan partikular ng mga kabataan; ang korupsiyon na minsan nang nasubukang pasimuno umano si chairman sa illegal parking, illegal terminal at illegal vendors sa Plaza Lawton.
Itong mga obstruction mga ‘igan, na kamakailan lang ay nahagip ang chairman ng Brgy. 235, Zone 22 District II ng Abad Santos, Tondo, Maynila. Mantakin n’yong nagtayo ng barangay hall sa bangketa! Tunay na obstruction ito ‘igan, kaya naman hayun, giniba ng MMDA.
Binigyan na umano nang ilang beses na pagkakataon, ngunit, tigas-ulo ‘igan.
Sus ginoo!
Idagdag pa ang obstruction na ‘poolan’ sa Juan Luna St., kanto ng Lerma, Gagalangin, Tondo, sus nasa bangketa rin ‘igan ang nasabing ‘pool’ na pinagkakaabalahan ng mga tambay sa pustahan. Ang matindi’y hindi maalis-alis dahil sa umano’y konsintidor na si Brgy. 186 chairman Rene Maslog, kasabwat si pulis ‘tongpats.’
Sus ginoo kayo oo!
Sadya bang ganito na katarantado at kawalanghiya ang mga punong barangay, partikular sa lungsod ng Maynila, pasaway?
Ang mga problemang nabanggit mga ‘igan ay tunay na problemang barangay, na kung bibigyan ng solusyon, sa barangay level pa lamang, ay hindi na magiging problema pa ng bansa. ‘Ika nga, sa barangay pa lamang ay masusupil na ang mga ilegalidad.
Iba ang magiging usapin mga ‘igan kung ang mga cabeza de barangay ang pasimuno sa mga kupitan ‘este katiwalian sa kanyang barangay, partikular sa Maynila. Aba’y katapat nito ang hagupit ni Manila Mayor ‘Erap’ Estrada.
Sir, nawa’y mabigyan ng leksiyon ang mga salarin, lalo ang mga tiwaling barangay officials sa Maynila! Isama pa ‘igan ang ‘di matinag-tinag sa kanyang magagandang mithiin para sa bayang si DILG Secretary Eduardo M. Año!
Pero Sir, una sa lahat, pakigising ang tutulog-tulog sa pansitang si DILG Undersecretary Martin Diño, na bulag at bingi sa mga reklamo at problema partikular sa barangay. Tulad nga po nitong nabanggit nang ‘pool’ na matagal na pong idinulog sa kanyang tanggapan, ang problema ng mag-inang ‘Jennifer Adajar’ hinggil sa panggagago ng isang barangay kagawad na kinonsinti pa umano ni chairman. Take note, dumulog pa sa kanyang tanggapan ang mag-ina. Sus ginoo! At ang mga kaso ng mga tiwaling barangay chairman, lalo na ang isyung ilegalidad sa Plaza Lawton.
Sir Año, lahat po ng nabanggit na problema at reklamo’y walang aksiyon si DILG Usec. Diño. Naniniwala at umaasa ang ating tagasubaybay sa madaliang aksiyon ni DILG Secretary Año.
Abangan na lamang…
BATO-BATO BALANI
ni Johnny Balani